Kailangan ng bibong liderato sa DOH

Kamakailan lang ay naghain ang 15 senador ng isang resolusyon na humihiling ng agarang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III.

Sa Senate Resolution 362, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga senador sa ‘failure of leadership’ ni Duque o sabihin na nating kakulangan o kapabayaan nito sa pagtugon sa COVID-19 crisis sa simula’t simula pa lang.

Maraming kadahilanan ‘yan kung bakit nabuwisit na ang mga senador kay Duque.

Sa pagdinig sa Senado noong Pebrero, nabuking ang ilang kakulangan at kapabayaan ng DOH o ni Duque tulad na lamang ng pag-alerto sa medical community at sa publiko tungkol sa ilang indibidwal na nakitaan na ng COVID-19 symptoms.

Dahil bago pa lamang noon, medyo nag-relax lang si Duque. Hindi ba’t sabi ni Duque noon sa isang press conference ‘zero case’ ang local transmission pero ang totoo meron na pala.

At nang makumpirma na nga na may tatlong kaso ng COVID-19, nagpakakampante pa rin si Duque. Hindi pa rin masyadong naghanda.

Contact tracing pa nga lang ng mga nakasalamuha ng tatlong COVID-19 patient sa eroplano hindi nila nagawa. Hanggang sa biglain na lang tayo noong Marso nang magsimulang dumami ang kaso hanggang sa ipatupad na ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Maraming pagkukulang si Duque. Hindi sila nag-provide ng sapat na personal protective equipment (PPE) para sa mga healthcare worker. Kung hindi pa dumagsa ang donasyon mula sa private sector hindi magkakaroon ng sapat ng PPE ang mga medical worker.

Eto pa ang nakakadismaya. Inamin ni Duque na 2,000 lang ang available na test kit noon sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at nag-order daw sila noon pero 4,000 lang. Hindi ba nakakagulat, obvious na hindi napaghandaan.

Sa sobrang kampante ni Duque noon inihayag pa niya na hindi raw kailangan magsuot ng face mask ang mga taong malalakas ang pangangatawan dahil hindi raw sila kayang hawahan ng nasabing virus.

Pabibo pa nga siya noon dahil sa Southeast Asia, tayo raw ang may pinakamababang kaso. Pero mukhang kinain ni Duque ang kanyang sinabi dahil ngayon tayo ang No. 1 sa ating rehiyon.

Kumbaga mabagal talagang magdesisyon si Duque. `Yong pag-acquire ng mga testing kit kelan lang ginawa. Pati ang accreditation ng mga testing center, delay pa rin ang pagdedesisyon. Dumami na nga ang kaso babaga-bagal pa rin sa mga desisyon ang ating kalihim.

Kaya hindi mo maiaalis sa mga senador na hilingin ang kanyang resignation dahil alam nila ang kahinaan at kakulangan ng kanyang liderato para tugunan ang krisis na ito.

Paano nga naman tayo mananalo sa giyera kontra COVID-19 kung mahina ang liderato ng DOH. Siyempre ikaw tumitimon sa lahat kaya’t bilang “captain ball” dapat matibay ang iyong liderato sa panahon ng kinakaharap ang krisis na ito.

Sabi nga ni Senador Sonny Angara, “Kailangan mas bibo ang liderato dito laban sa virus.” Hindi puwedeng papetiks-petiks lang, di ba?

Dahil inaasahang tatagal pa itong krisis na ito (huwag naman sana), dito sa ating laban sa COVID-19, dapat ang liderato ng DOH talagang nakakaintindi. Iyong magbibigay ng mga tamang desisyon at inspirasyon sa lahat.

Bagama’t umamin naman si Duque sa kanyang pagkukulang, sana naman maging maayos na ang ating “captain ball” sa kanyang pagtugon sa pandemic na ito dahil buhay ng lahat ng mga Pilipino ang nakataya dito.