Bumaba ang bilang ng mga walang trabaho nating kababayan kung pagbabasehan ang pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) sa unang quarter ng 2017 sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Alinsunod sa survey nabawasan ng 800,000 tambay o walang trabaho sa bansa sa unang quarter ng taong 2017 o katumbas ng 10.4 milyon pa rin ang walang trabaho, ayon sa survey na ginawa noong Marso 25-28 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 respondents sa buong kapuluan.
Ang nasabing porsiyento ay bumaba sa 22.9 percent o 10.4 milyon ang mga Filipino adult na walang trabaho, mas mababa kung ikukumpara sa datos noong Disyembre, umaabot sa 25.1 percent ang jobless rate noon na ang katumbas ay 11.2 milyong Filipino na walang trabaho.
Bukod sa unemployment rate, lumabas din sa survey ang pagbagsak ng pag-asa ng mga Filipino na makapasok ng trabaho. Mula sa dating 48 percent ay bumaba ito sa 44 percent nitong Marso.
Sa kabila nito ay ikinatuwa pa rin ng Malacañang ang resulta ng survey dahil nagpapakita raw ito ng pagsusumikap ng gobyerno na mapanatili ang tinatamasang paglago ng ekonomiya.
Nagpakita man ng pagbaba ang bilang ng mga kababayang walang kayod ay hindi pa rin ito mabuti para sa pangkalahatang mga Filipino dahil malaking bahagi pa rin ang walang trabaho kaya malawakan pa rin ang kahirapang dinaranas ng ilang sektor ng ating lipunan.
Kaya ang sa amin, gumawa sana ang pamahalaan ng angkop na solusyon sa problema sa kawalan ng trabaho dahil walang magiging mabuting epekto ang bumababang bilang ng mga walang trabahong Pinoy kung nariyan pa rin ang presensiya ng mga kababayan nating walang trabaho.
Sayang ang effort ng pamahalaan na pagpapatatag sa ekonomiya sa pamamagitan ng paglusaw sa kahirapan kung nananatili pa rin ang ilang porsiyento ng ating mga kababayan na walang hanapbuhay.