Ang Pilipinas ang isa sa madalas sinasalanta ng malalakas na bagyo. Dahil sa bagyo, ang baha ay laganap sa iba’t ibang lugar at ilang bahay ang mga nasisira at napeperwisyo.
Ang mga pamilya ay naaapektuhan. Matinding pag-aalala ang dulot ng bagyo at baha. Kaligtasan ng mga bata ang pangunahing problema.
Mahalaga ay may plano at paghahanda tayo sa mga darating na sakuna gaya ng bagyo. Maging laging handa.
Bago dumating ang bagyo, mas mabuti na ang nakahanda lahat ng kailangan at pangunahan na ang maaaring maging epekto ng bagyo gaya ng aksidente at sakit.
Siguraduhin nating mayroon tayong first aid kits sa ating bahay. Kabilang na rin dito ang flashlight, pito (whistle), batteries at ang mga gamot na kakailanganin sa sakuna.
Huwag na lumabas ng bahay kung hindi naman importante ang lakad. Marami ang pwedeng magawa ang malakas na bagyo na may dalang malakas na hangin.
Kaya nitong tangayin ang ibang matigas na bagay, yero at iba pa. Hangga’t maaari ay iwasang lumusong sa baha dahil maaaring magdulot ito ng sakit gaya ng leptospirosis.
Maliban na lang kung kailangang lumikas. Kung kailangan nang lumusong sa baha at ikaw ay may sugat, balutin ito ng kahit anong towel o damit at higpitan nang husto at hugasan ito pagkatapos.
Makinig sa radyo o manood ng balita sa TV upang malaman ang lagay ng panahon. Makipag-coordinate sa ibang kapitbahay para malaman kung saan ang pinakamalapit na evacuation center kung sakaling kayo ay pinalilikas.
Ugaliing maglagay lagi ng load sa cell phone para magamit ito sa emergency. Kung may ililigtas na bagay, ilagay ito sa mataas na lugar sakaling maligtas pa ito paghupa ng baha.
Kung ikaw naman ay nasa labas na habang bumabagyo, maging alerto sa mga kable ng kuryente na mababa at nahuhulog.
Mahirap makita at umahon sa pagkasira ng inyong tahanan. Ngunit mas mahalaga ang ating buhay kaysa sa ating mga gamit.
Kaya nating ibalik sa normal ang bahay na nasira, huwag isugal ang buhay at sumunod sa payo ng punong barangay sa inyong lugar. Tandaan lagi na ‘safety first’.