Kailangang patunayan ang karapatan sa lupa

Dear Ma’am,
Magandang araw po ako po si Pink Kristine. Residente sa Abanico San Pedro Puerto, Princesa City of Palawan.

Nakatira po kami sa lugar na iyan ng halos 25 yrs na nang bigla na lang isang araw may duma­ting sa lugar namin na nagsasabing pagmamay-ari n’ya raw diumano ang lupang kinatitirikan ng mga bahay at dapat namin at kailangan daw po naming umalis dun halos lahat ng mga kabarangay namin pinaalis nya. Nung una ang sabi nila bibigyan na lang daw nila kami ng relocation. Pero dahil sa hindi namin sila kilala hindi pumayag ang mga tao at kami sa lugar na iyan. Kaya kalaunan nagsabi s’ya na pababayaran na lang daw po sa amin ang bawat lote na kinatitirikan ng bahay namin at umabot iyon ng P300,000 per lot plus may P3,000 bayad para sa survey diumano ng lupa.

Ang mga hindi makakapagbayad diumano ay gigibain nila mismo ang mga bahay. Ang gusto ko po malaman ay kung papaano namin masisiguro na sila nga po ang may-ari? At kung sakaling sila nga pwede ba nila kami bayaran o bigyan ng relocation ‘yung mga hindi makakapagbayad ng lupa? At kung may karapatan din po ba kami magreklamo sakaling sirain nila ang bahay namin? May batas din po ba na sakop ng ganitong mga kalagayan?

Umaasa po ako na makakapagbigay po kayo ng magandang payo sa dapat po naming gawin.
Maraming salamat,
Pink

Ms. Pink,
Upang sila ay paniwalaan ay dapat na magpakita sila ng mga dokumento na nagpapatunay na sila nga ang may karapatan sa lupa. Tandaan na maraming mapagpanggap at nais lamang na magkapera at makaisa sa kapwa.

Una ninyong gawin ay pumunta kayo sa barangay upang mamagitan sa inyo. Ang barangay ang dapat na makialam upang malaman ang katotoha­nan tungkol sa kanilang pagpapaalis sa inyo.

Kung sakali man na sila nga ang may-ari ng lupa ay hindi nila puwedeng ipagiba ang inyong bahay hangga’t hindi kayo pumapayag at kung wala namang court order sa isang kaso ng accion publiciana na dapat munang maisampa sa korte bago kayo sapilitang paalisin o ipagiba ang inyong mga bahay.
Maaari rin dumulog sa Urban Poor Affairs Office na may sakop sa inyong lugar upang mamagitan sa inyong usapin.

Ang isang paggiba ng anumang istraktura ay nangangailangan ng isang demolition order na ibibigay ng engineering department ng inyong lungsod o munisipyo bago pa man magpagiba ng mga bahay ang taong nagsasabi na sila ang may-ari ng lupa kung saan nakatirik ang inyong mga ta­hanan.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.