Kainuman ng ka-live in sinaksak ng tanod

ODIONGAN, Romblon — Nauwi sa pananaksak ang masayang inuman ng magkakaibigan nitong gabi ng Linggo sa bayan ng Odiongan, Romblon.

Ayon sa imbestigasyon ng Odio­ngan Municipal Police Station, nakikipag-inuman ang live-in partner ng Brgy. Liwanag tanod na si Ronald Patnongon Sombria sa biktimang sina Guiller Fejer Atilano at Mark Asence Canite nang biglang dumating ang suspek para sana sunduin ang kinakasama.

Nakipag-usap umano ang suspek na tanod kay Atilano ngunit nauwi umano sa sagutan ang usapan ng dalawa.

Umalis pansamantala ang tanod ngunit pagbalik ay armado na ng patalim at sinaksak bigla si Atilano na tinamaan sa kanang dibdib.

Sinubukan namang umawat ni Canite ngunit pati siya ay nasaksak ng tanod sa tiyan.

Agad na tumakas si Sombria matapos ang krimen habang ang dalawang duguan ay isinugod sa Romblon Provincial Hospital, ilang metro lamang ang layo sa pinangyarihan ng insidente.

Naaresto rin kinalaunan ang suspek at posibleng maharap sa kaukulang kaso. (Paul Jaysent Fos)