Ni Nonnie V. Nicasio
Mula sa pagiging entertainment columnist at guro, si Kaka ‘Chuffa Mae’ Bigornia ay sumabak sa pagiging stand-up comedian.
Arnold Bigornia ang real name niya at graduate ng BSE sa Philippine Normal University. Nakagawa na siya ng tatlong pelikula, namely “Jumbo Jericho,” “Salonista” at “Palaboy.”
Sa panayam namin ni katotong Roldan Castro kina Chuffa Mae at isa pang komedyanteng si Ara Muna sa online show ng Abante TONITE na ‘Tambayan ng Tsika’ ay natanong siya kung nami-miss ang pagsusulat at masaya ba siya sa ginagawa niya ngayon?
“Nami-miss din, kaya lang wala nang time talaga,” panimula niya. “Masaya naman ako kaysa noong naging teacher ako, masaya ako rito,” nakatawang sambit pa ni Chuffa Mae.
Seryosong dagdag niya, “Nakapagturo naman ako nang four years, enjoy naman ako dahil ‘yung mga bata ngayon, may impact pa rin, may respeto pa rin sa akin, natutuwa sila na nangyayari sa akin ito.
“Wala akong pinagsisihan na iniwan ko ang pagtuturo at pagsusulat, enjoy kasi ako rito… mas enjoy ito, mas maraming intriga, makulay, umiikot ang mundo mo sa iba’t ibang tao. No regrets talaga kasi nakapagpapasaya ka ng tao, na malay mo may problema ang taong iyon tapos at napasaya mo… hindi nasusuklian ng pera ang kasiyahan ng tao.
“Kapag sa stage, cool lang, happy kapag sanay ka na. Pero noong baguhan ako, pressured masyado, lalo na’t magagaling kasama mo, hindi ka talaga makakasabay. At least ngayon, enjoy lang.”
Saan galing ang kanyang screen name? “Mahabang kuwento, kasi ang nagbigay sa akin hindi ko naman alam na ikinokompara ako sa isang artista, kaya lang nategi na siya. Siya ‘yung nagbigay sa akin ng oportunidad na maging Chuffa Mae, pero hindi ko inakala na kamukha ko raw si Ruffa Mae, hindi ko naman ginaya or ano. Tapos ay nagbukas siya ng bar sa San Juan, at doon na nagsimula, iyong mga sikat din ngayon, nakasama ko roon, 1996 or 1997 iyon.
“Hanggang sa siya ang nagdala sa akin sa Campus Diner, Men at Work… tapos ang pinakahuli ko ay Music Box talaga. Doon ko naramdaman na stand-up comedian ako, kaya natuwa ako,” masayang wika pa niya.
Ano ang dapat abangan sa kanya sa show nila sa “Abante Hahaha!” sa April 1, 7PM sa Music Box, Timog? “Pasabog! Magbabase ako sa piyesa ko, ‘yung tipong e-enjoy-in ko lang para makapagpasaya ng tao. Ngayon nga, kinakabahan na excited ako, kasi magkikita kami ng stand-up comedian na kilala ko noon pa.”
Tampok din bukas nang gabi sa “Abante Hahaha!” sina Ara Muna, Wonder Gray, Truman, Dionisia Clara ‘Tuod’ Dela Fuente, Kristal Colarina, Inah Magenta at may isang sikat na komedyante na special guest. Hosts dito sina Rey Pumaloy at Dondon Sermino. Para sa ibang detalye, tumawag sa 0905-359-5091.