Kakaibang nilalang

Napanaginipan kong nasa isang lumang bahay raw ako at nag-iisa. Naramdaman ko na lamang na may ibang tao kaya kahit kinakabahan ako ay sumilip daw ako sa labas. Ang nakita ko ay parang balkonahe na gawa sa kawayan tapos may nakita akong tao, nakatalikod sa akin. Ang nakikita ko lang ay balikat at ulo niya. Bigla siyang humarap at tumingin sa akin. Bigla siyang ngumiti at nakita ko na lamang na parang nag-transform ‘yung mukha niya at nagkaroon ng pangil. Natakot ako pero kumuha raw ako ng tsinelas at ibinato ko sa kanya kaya tumakas naman siya. Nagising akong kabang-kaba. Ano po ang ibig sabihin ng ganitong panaginip?

Ang iyong panaginip ay hindi pangkaraniwan at puwedeng sabihing tungkol sa isang kakaibang nilalang dahil meron siyang pangil. Ang ganitong panaginip ay mahirap alisin sa isip at talagang nag-iiwan ng kaba sa dibdib.

Pero ang ganitong panaginip ay maaaring indikasyon na merong mga negatibong aspeto sa iyong personalidad. Meron kang pinaglalabanan na maaaring negatibong emosyon o puwedeng may kinalaman sa isang hindi magandang bisyo na gusto mong alisin sa iyong buhay at maaari ring sekswal o anumang tuksong gusto mong iwasan.

Ang ganitong panaginip ay sumisimbolo rin sa mga nilalabanan nating damdamin tulad ng galit. Ito’y maituturing na mensahe ng iyong subconscious para harapin ang negatibong aspetong ito sa iyong buhay.

Sa iyong panaginip, bagama’t natakot ka ay hindi ka nasiraan ng loob dahil kahit nakita mong may pangil ang nilalang na nasa iyong harapan ay nakuha mo pang kunin ang tsinelas at ibato ito sa kanya. Kung may bahagi ng buhay mo na sa tingin mo ay dapat alisin, ipi­nakita ng iyong subconscious na makaka­yanan mo ito. Nasa iyo ang sapat na lakas ng loob para labanan anuman ito.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng a­ting panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com