Dear Atty. Claire:
Good day po. Hihingi lang po sana ako ng legal advice. Ako po ay may utang na P20,000 at ito po ay umabot na ng P26,000 dahil sa pinataw na interes ng aking pinagkautangan.
Umabot po ng tatlong taon hanggang ngayon hindi ko nabayaran ang aking utang. Pinabarangay po nila ako. Ang payo ng barangay ay makiusap ako sa aking pinagkakautangan kung paano ko ito babayaran. Ang sabi ko po ay maghulog ako ng P1,000 kada buwan.
Pero ayaw pumayag ng aking pinagkakautangan. Binantaan po ako na kapag ‘di ako sumunod sa gusto nila, ang abogado na raw po nila ang kausapin ko.
Ano po ba ang dapat kong gawin?
Salamat po,
Jessica
Ms. Jessica:
Malamang kaya hindi ka makabayad ay ginamit mo ang inutang mo sa ibang kadahilanan o pangangailangan mo at hindi sa isang negosyo kaya’t wala kang ibang pagkukunan kahit na pambayad ng interes ng utang mo.
Magkaganun pa man ang utang ay utang na dapat bayaran upang mapagkatiwalaan kang muli at ang kasunduan ninyo ay boluntaryo mong pinasok at hindi ka naman pinilit.
Nais ko sanang malaman kung ang interes ba ay napagkasunduan ninyo at nakasulat ito sa kasunduan dahil kung hindi nakasulat ay hindi ka maaaring singilin ng interes.
Sa ngayon ay talagang sisingilin ka na ng pinagkakautangan mo at malamang na lumaki pa nang lumaki ang interes niyan. Ang isang kasunduan kasi ay hindi basta pinapawalang-bisa ng korte maliban lamang kung mapapatunayan mo na ang interes ay sobrang laki at hindi na katanggap-tanggap o hindi na ito makatao o makatarungan sa sobrang taas ng pinataw na interes.
Kahit walang nakukulong sa utang ay hindi dapat na hindi tuparin ang napagkasunduan. Tanging pakiusap na lamang ang maaari mong gawin at ipakita na magbabayad ka naman kahit na maliit na halaga kada buwan. At ipaalam na wala ka talagang ibang pagkukunan ng ibabayad.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8419-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.