Hindi mahirap na iugnay ang utos na “Shoot them dead” ni Pangulong Duterte sa kapulisan para sa mga mamamayang lalabag sa kwarentina at “manlalaban,” na sinambit niya sa kanyang April Fool’s Day “Address to the Nation,” sa pagpaslang ni Philippine National Police M/Sgt. Daniel Florendo Jr. kay retiradong Philippine Army Corporal Winston Ragos sa isang checkpoint sa Novaliches, Quezon City noong Abril 21.
Maaari pa ngang sabihin na lubusang tinanggap at ganap na pinatupad ni M/Sgt. Florendo ang direktang atas ng kanyang Pangulo sa mga pulis na katulad niya. Umasal nang “pasaway” si Corporal Ragos. Nakipagtalo sa mga pulis. Nagmuwestrang “bubunot” ng kung ano sa kanyang sling bag. Binaril at pinatay ni M/Sgt. Florendo. Nanlaban, kaya dapat lang na patayin ng pulis. “Shoot them dead!” Hindi ba’t ‘yan ang kataas-taasang doktrina ng pagkapangulo ni Duterte?
Gayumpaman, hindi mapangingibabawan ng anumang pahayag ni Duterte (kahit paulit-ulit pa ang kanyang pagmamalaki na “abogado ako”) ang itinatakda ng batas at mga patakaran mismo ng PNP.
Ayon sa PNP Revised Operational Procedures, pinahihintulutan ang pulis na gumamit ng “necessary and reasonable force” o nakasasapat na dahas lamang upang manaig sa taong “nanlaban”. Taliwas ito sa atas ni Duterte na “shoot them dead” o paggamit ng nakamamatay na dahas anuman ang sirkumstansya.
Sabi naman ng Korte Suprema (sa People vs. Patalinghug) na hindi makasasapat na ikatwiran ang self-defense dahil “bubunot” umano ang biktima: “It is axiomatic that mere thrusting of ones hand into his pocket as if for the purpose of drawing a weapon is not unlawful aggression.” Kung gayon, maaaring humarap sa kaso ng murder si M/Sgt. Florendo, lalo pa’t sinasabi ng mga kamag-anak ng pinaslang na wala siyang bitbit na anumang armas.
Kung ordinaryong maralita lamang ang napatay, malaon nang tinanggap ang paliwanag ng PNP at naihanay ang kaso sa libo-libo pang hanay ng mga pinatay dahil “nanlaban”. Ngunit naghahanap ng hustisya ang Philippine Army para kay Corporal Ragos, 34-anyos, na nagretiro noong 2017 dahil sa post-traumatic stress disorder (“war shock’).
Binigyan siya ng parangal ng Army, at hinimlay sa Libingan ng mga Bayani. Humingi si Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay ng hiwalay na imbestigasyon sa National Bureau of Investigation, bunga ng pagdududa sa wari’y pag-absuwelto ng mga heneral ng PNP sa kanilang sarhento bago pa man maglunsad ng anumang imbestigasyon. Kinuwestiyon din nila ang pagtuklas – ng mga pulis na mismong sangkot sa insidente – ng isang .38 paltik sa loob ng sling bag ng biktima.
Naiipit ng dalawang nag-uumpugang bato si Duterte. Sa isang banda, umaasa ang PNP sa paulit-ulit niyang pangako na “sagot ko kayo” pagdating sa pagpatay ng “nanlaban”. “I take full legal responsibility. And if there’s somebody who will be executed or put in prison, ako ‘yon.” Sa kabila, ang hiling ng Philippine Army ng hustisya para sa kanilang tinumbang kawal.
Ito ang dahlian ng kakatuwang pananahimik ni Duterte sa kaso ng pagpaslang kay Corporal Ragos.