Hindi kapani-paniwala na kapos ang bilang ng mga Pinoy skilled worker kaya naging mabagal ang pag-usad ng mga programa sa Build, Build, Build, ayon kay Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano.

Ipinunto ng kongresista na araw-araw ay libo-libong mga overseas Filipino worker (OFW) ang iniiwan ang kani-kanilang pamilya at nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang may maipangtus­tos sa kanilang mga pangangailangan.

“We are exporting our skilled OFWs abroad only to import Chinese laborers,” pahayag ni Alejano.

Nakasandal aniya ang Build, Build, Build Program ng administrasyong Duterte sa pautang ng China kaya hinihimok ng solon ang gobyerno na maging transparent at isiwalat ang mga kondis­yon sa lahat ng proyekto na popondohan ng mga Intsik.

Iginiit ni Alejano na kailangang ma­laman at mapag-aralan ng mga kababa­yan ang mga kondisyong nakapaloob sa mga pautang na ito.

“Gusto lamang bigyang-katwiran ng administrasyong ito ang kapansin-pansin na pagdami ng mga Chinese wor­kers sa ating bansa,” ani Alejano.

“Sa ating teritoryo wala daw ta­yong laban. Sa ating mga trabaho kulang daw ang ating kakayanan. Naisasan­tabi na naman ang karapatan ng ating mga kababayan. Kailan ba isusulong at pahahalagahan ng administrasyong ito ang kapakanan nating mga Pilipino?” giit pa nito.

Sa halip na sabihin aniyang kulang ang Pilipinas sa mga skilled wor­ker ay mas mainam kung hihikayatin ng gobyerno ang libo-libong mga OFW na umuwi sa bansa upang makatulong sa pag-unlad dahil sagana ang trabahong naghihintay sa kanila, ayon pa kay Alejano.