Si Regine Velasquez ang pinakamalaking artista sa Cinema One Originals at siya ang bida sa isa sa official entries na “Yours Truly, Shirley”. Kaya naman ngayon pa lang ay aminado na ang ilang mga artista sa festival na nape-pressure sila when it comes to box-office appeal at pati na rin sa labanan ng best actress.

Pero aminado rin naman sila na fans din sila ni Regine at happy sila na makasabayan ang Asia’s Songbird.

“Oo naman po (may pressure),” pag-amin ni Anna Luna na bida sa pelikulang “3:0” sa media launch ng Cinema One Originals, “dahil napakalaking… big star po talaga si Miss Regine, at lahat kami… kanina, nang pumasok siya sa dressing room, nanginig kaming lahat sa loob, eh,” sabay-tawa.

“Pero masaya po kaming lahat na kasama namin si Miss Regine sa isang festival din po. Sapat na ‘yun,” dagdag pa ni Anna.

Biro naman ni Ricky Davao na isa sa cast ng “Metamorphosis”, “wala naman akong concert.”

Pero dagdag din ng aktor, “I’m very happy that Miss Regine is acting again. Ako, nami-miss ko na siya on the big screen. It’s been so many years na, ilang years nang hindi ka umaarte? Nami-miss ko na ‘yung with Aga (Muhlach), with Robin (Padilla). So, this is a chance ulit na mapanood siya and thank you for giving your fans, kami, a chance to see you again and kami dito, I think, we’re happy. Sama-sama tayo dito, eh. One big happy family. Good luck to all of us.”

Pakuwela naman ni Alessandra de Rossi na bida sa pelikulang “Lucid”, hindi raw siya napi-pressure.

“I’m not feeling any pressure right now,” sabay-tawa. “Actually, ayoko na ngang pumunta ng presscon nu’ng nalaman kong nandito si Regine. Sabi ko, ‘kailangan pa ba ‘ko? Baka kaya na niyang mag-isa,’” natatawa pang dagdag ni Alex.

Nang ang grupo naman ni Songbird ang umakyat sa stage, natanong siya kung ano ang feelings niya sa mga papuring ibinigay sa kanya ng mga kalabang artista. Ayon kay Songbird, basta raw ay masaya siya na nakasama siya sa festival bilang matagal na siyang hindi nakakagawa rin ng movie.

First time ni Regine na gumawa ng indie (independent) film at ito rin daw ang first time niya na makasama sa festival. At hindi rin daw niya ikino-consider na isa siyang aktres.

“So, mahirap ilagay ‘yung sarili ko sa karamihan ng magagaling na artista ngayon and I’m very honored to be here.”

When asked kung ano ang pakiramdam niya na parang inaasahan nang siya ang magiging Best Actress ng festival, at kung sakali, ang mahigpit niyang makakalaban ay si Cheril Gil na bida naman sa “Tia Madre”, balik-tanong ni Regine, “may labanan pala?” sabay-tawa. “Hindi ko alam na may labanan pala, hindi ako na-inform.”

Ayon kay Songbird ay wala naman daw siyang anumang expectations.

“Like I said, I’m just very happy to be here. Na mapabilang sa mga magagaling na artista natin dito. Wala akong expectations. Plus kung ihahambing mo naman ‘yung role ko sa role ni Miss Cherie Gil, parang kinanta niya ‘yung ‘What Kind of Fool Am I’, tapos kinanta ko ang ‘Urong Sulong’. Ganu’n ang basehan, teh,” she said.

Mula sa direksyon ni Nigel Santos, kasama rin ni Regine sa “Yours Truly” si Denise Padilla at Rayt Carreon. The movie premieres on Nov. 10, 9:45pm at Trinoma.

Arron ‘kuya zoned’ kay Kira

Big step para sa Star Magic artist na si Kira Balinger ang makapareha si Arron Villaflor sa episode ng “Ipaglaban Mo” titled ‘Barang’ na mapapanood ngayong Sabado, Oct. 26.

Siyempre, bilang baguhan pa lang siya, isang honor daw sa kanya na makasama ang mga datihan nang artista.

Nagkasama na raw silang dalawa before sa “The Greatest Love” pero sa naturang serye ay hindi raw sila magkapareha.

“So, to be able to have a legit role with kuya Arron, it’s like a big step naman. Pero so far, nakaka-happy kasi siyempre, mas nakikilala mo si kuya Arron,” sabi ni Kira sa Kapamilya Chat online interview.

Ayon naman kay Arron, medyo bata pa si Kira noon sa “The Greatest Love”. Pero ngayon ay dalaga na ito.

“Cute siya rati. Pero ngayon, gandang-ganda na ako sa kanya,” sey ni Arron.

Dahil kuya nang kuya si Kira kay Arron, bandang huli ay nagbiro na siya na “kuya zoned” na raw siya agad.

“Sobrang magalang itong si Kia, eh. Kaso minsan, parang nakakainis na,” natatawang sabi ni Arron pero dugtong naman niya, “joke lang. Sobrang love ko ‘to.”

Ang ‘Barang’ ay Halloween offering ng “Ipaglaban Mo” at ginagampanan dito nina Arron at Kira ang papel na magkarelasyon pero battered girlfriend ang karakter ng young actress.

Magkakaroon ng krimen sa kuwento at makakasuhan ang karakter ni Arron. Kasama rin sa episode si Ruby Ruiz, Denise Joaquin at Jojo Abellana mula sa direksyon ni Eduardo Roy, Jr.