kalaban nina susano, castelo itinumba

police-crime-dead-body

Patay ang isang barangay chairwoman na kandidatong kongresista sa 2nd District ng Quezon City at ang kanyang driver makaraang tambangan sila ng apat na lalaking riding-in-tandem habang sakay ng sport utility vehicle ang mga biktima kahapon nang umaga.

Naisugod pa sa Far Eastern University Hospital si Brgy. Silangan, Quezon City si Chairwoman Crisell Belmi Beltran, 47-anyos, pero binawian din ito ng buhay.

Namatay naman habang nilalapatan ng lunas sa General Malvar Hospital ang kanyang driver na si Melchor Jimena Salita, 40-anyos.

Tatlong hindi pa nakilalang kabataan ang nasugatan naman sa insidente makaraang tamaan ng mga ligaw na bala mula sa pamamaril ng mga suspek.

Base sa inisyal na imbestigasyon nina PO3 George Caculba at PO3 Mark Salas ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, dakong alas-11:40 ng umaga nang tambangan si Beltran sa J.P. Rizal St., malapit sa Filinvest 2, Brgy. Bagong Silangan.

Ayon sa mga nakasaksi sa pananambang, sakay ng puting Ford Everest na may plakang NDO 612 si Kapitana Beltran nang harangin sila ng apat na suspek na riding-in-tandem at saka pinagbabaril.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspek.

Umabot sa 26 na basyo ng bala ng mga baril na kalibre .45 at 9mm ang nakuha ng mga imbestigador ng pulisya sa pinangyarihan ng ambush.

Nabatid na makakalaban ni Kapitana Beltran sa congressional election para sa 2nd District ng Quezon City ang dating aktres na si Councilor Precious Hipolito-Castelo at ex-Congresswoman Mary Ann Susano.

Samantala, bumuo na ang QCPD ng Special Investigation Task Group para imbestigahan ang pamamaslang kay Beltran.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., iimbestiga­han nila lahat ng posibleng motibo sa krimen katulad ng politika lalo pa at kandidato ang biktima.