Ibabalik ng PBA Legends ang karibalan ng apat na pinakamainit na teams noong late ‘80s hanggang ‘90s sa panahon na wala pang internet at social media.
Bubuhayin ng Ginebra at Purefoods ang Manila Clasico, salpukan ang grand slam teams San Miguel Beer (1989) at Alaska (1996) sa Smart Araneta Coliseum.
Sa Big Dome noon ang venue ng ilan sa mga hindi malilimutang giyera sa PBA. Sasariwain ‘yun sa double-header ng charity event na Return of the Rivals sa Feb. 17.
Hatid ito ng PBA Legends Foundation para sa mga dating players na may sakit at nangangailangan ng tulong.
Kakayanin pa kaya nilang tumakbo sa hardcourt?
“Ewan,” nakangiting sagot ni Joey Loyzaga, isa sa mga kamador ng Never Say Die Ginebra.
Sinubukan daw nilang maglaro ng 20 minutes.
“After that, everybody wants to quit and go home. While going home, they were all limping,” dagdag ni Loyzaga.
Konting papawis lang daw, sabi ni Alvin Patrimonio, ang dating four-time MVP na The Captain ng Purefoods.
“Mahirap baka makalas,” nakatawa ring sagot ni Patrimonio nang matanong kung gagawin pa rin niya ang mga post-up moves niya dati.
Inaasahang lalaro sa Alaska sina Jojo Lastimosa, Johnny Abarrientos, Kenneth Duremdes, Bong Hawkins, Jeffrey Cariaso, Rodney Santos, Poch Junio, Tony dela Cruz, John Ferriols, Roehl Gomez, Eddie Laure, Ervin Sotto at Bogs Adornado.
Sa San Miguel sina Allan Caidic, Alvin Teng, Danny Ildefonso, Danny Seigle, Dondon Hontiveros, Benjie Paras, Olsen Racela, Ato Agustin, Nelson Asaytono, Bong Alvarez, Freddie Abuda at Chris Calaguio.
Kakasa sa Purefoods sina Patrimonio, Jerry Codinera, Bong Ravena, Ronnie Magsanoc, Al Solis, Dindo Pumaren, Glen Capacio, Bonel Balingit, Totoy Marquez, Peter Naron, Tonyboy Espinosa, Richard Yee, Dindo Pumaren at Roger Yap.
Sa Ginebra sina Loyzaga, Noli Locsin, Bal David, Marlou Aquino, EJ Feihl, Vince Hizon, Benny Cheng, Wilmer Ong, Romy Mamaril, Rudy Distrito, Bobby Jose, Pido jarencio at Jayjay Helterbrand.
Posibleng si Big J Robert Jaworksi ang mag-coach sa Gins, pero kung hindi available ay si Philip Cezar.