Mahigit 500,000 ang kabuuang bilang ng mga taong bumisita sa Rizal Park na da­ting Luneta Park mula Christmas eve hanggang maghapon ng Christmas Day.

Ito ang kinumpirma ni National Parks Development Committee (NPDC) Director Penelope Belmonte na isang malinaw na pruweba na nananatili ang Rizal Park bilang paboritong destinasyon ng mga masang Pilipino.

Ayon kay Belmonte, ang bilang ay batay sa headcount ng crowd counters na ina-assign ng NPDC upang i-monitor ang dami ng taong dadagsa sa parke.

Napag-alaman na maliit kaysa sa inaasahan ang nagtungo sa Rizal Park noon Dis­yembre 24 na umabot lamang ng 15,000 dahil sa umuulan.

Gayuman, pagsapit ng di­lim at paghinto ng ulan ay mabilis umanong dumami ang mga tao habang papalapit ang alas-12:00 nang hatinggabi at ito ay nagpatuloy buong araw ng Pasko.

Sinabi ni Belmonte na marami pa rin sa mga pamil­ya ang nagpupunta sa Rizal Park para mag-picnic, bisitahin ang mga attractions doon o mag­palipas ng oras.

Ikinatuwa naman ni Belmonte na walang anumang krimen o masamang insidenteng nangyari dahil na rin sa pakikipag-ugnayan ng NPDC sa Philippine National Police upang tumulog na panatili­hing ligtas at tahimik ang parke. (Juliet de Loza-Cudia)