Sa susunod na buwan pa ang second leg ng Triple Crown Series pero ngayon pa lang ay marami na ang nagsasabing “open race” na ang seryeng ito para sa mga top 3-year-olds.

Sa malayong pagkakapanalo ni Sepfourteen ng SC Stockfarm ni Jojo Velasquez, dapat ay ito na ang ma-llamado sa susunod na leg.

Pero sabi ng maraming eksperto, tiyak magbabalik sa kanyang pagkatalo ang na-llamadong si Golden Kingdom ni Jun Almeda na duma­ting lang ng tersero sa first leg. Nasegundo dun ang dehadong si Pangalusian Island ni Wilbert Tan.

Segundo-llamado lang si Sepfourteen at ang 1:40.8 na ginawa nito sa 1,600 meters ay dapat na respetuhin ng kanyang mga kalaban dahil papalakas lang ang ginawang performance nito nang sundan lang niya ang mga nag-unahang sina Smokin Saturday at Big­lang Buhos.

Tiyak na ito rin ang gagawing diskarte ni Sepfourteen sa susunod na leg na paglalabanan sa mahabang distansyang 1,800 meters paglipat sa Santa Ana Park.

Tiyak na rin ang pag-angat sa main race ng stablemate niyang si Brilliance na nagpakita rin ng pambihirang ga­ling nang iwan niya ang mga kalaban sa Hopeful Stakes ng araw ding yun.

Kung muli niyang gagawin ang naging performance sa susunod na leg, tiyak na may kalalagyan siya sa top four dahil halos nasa 1:42 lang naorasan ang mga sumunod kay Sepfourteen sa timbangan.

Ang malaking tanong ngayon ay kung magsisibalik ang mga sumali sa first leg ng main sa susunod na leg ganung nakita nila kalakas ang mga kalaban at nakita nung iba ang kahinaan ng kanilang mga kabayo?