Kinilabutan ang isang mangangalakal ng basura nang makita ang kalansay ng tao na nakasilid sa hinalukay niyang garbage bag sa campus ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City kamakalawa nang gabi.
Ayon sa ulat ni SPO2 Marvin Masangkay ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDG-QCPD), natagpuan ang kalansay ng tao sa bakanteng lote sa Block 3, UP Arboretum dakong alas-11:45 nang gabi.
Batay sa pahayag ni Joel Mansano, kinakalkal niya ang mga basura sa nasabing lugar nang mabuksan ang kalansay ng tao na nakasilid sa itim na garbage bag.
Sa takot ni Mansano ay nagtatakbo ito at agad na ipinagbigay-alam sa UP Police ang kanyang natagpuang kalansay sa basurahan.
Agad namang dinala ng Scene of the Crime Operatives na pinamumunuan ng Senior Inspector Jose Bonifacio ang natagpuang kalansay sa PNP Crime Laboratory upang isailalim sa awtopsiya.
Aalamin ng mga awtoridad kung ang nakitang kalansay ay biktima ng isang matagal nang krimen o pinag-aaralan ng mga medical student ng UP at pagkatapos ay itinapon sa basurahan.