Kalbaryo ng motorista tuloy sa panibagong oil price hike

oil-price-hike

Tapos na ang Semana Santa, pero patuloy pa rin ang kalbaryo ng mga motorista matapos muling magpatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na epektibo ngayong araw.

Pinangunahan ng Pilipinas Shell, Flying V, Caltex, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum Philippines at SeaOil ng dagdag na P0.90 kada litro sa gasolina, P1.00 sa diesel at P1.00 kada litro sa kerosene na epektibo ngayong alas-sais ng umaga.

Inaasahan naman na susunod maglabas ng anunsiyo ang iba pang kompanya ng langis sa bansa sa pagpapatupad ng dagdag presyo sa kanilang mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga.

Ang ipinatupad na oil price hike sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw umano ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.

Magugunitang nito lamang Semana Santa ay nagpatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P1.15 kada litro sa gasolina, P1.10 kada litro sa diesel at P1.00 kada litro sa kerosene.