Kalbaryo sa MRT-3 aabot ng Semana Santa

Aabot ng Semana Santa ang kalbaryo ng mga mananakay sa Metro Rail Transit-3 (MRT-3), ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Inamin ni DOTr Assistant Secretary Mark de Leon sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe, na sa pagtatapos ng Pebrero ay maitataas na nila sa 10 tren ang operational.

Ayon sa opisyal, pagkatapos pa ng Holy Week maaaring umakyat sa 15 ang tumatakbong tren dahil sasamantalahin nila ang holiday para sa pagkumpuni sa mga si­rang bagon.

Dahil sa pito hanggang walong tren lang ang tumatakbo, mahaba ang pila ng mga pa­sahero sa bawat istasyon at kapag nakasakay naman ay parang sardinas sa siksikan at kung mamalasin ay masisiraan pa ang tren.

Sa tantiya ng opi­syal, aabutin ng dalawang taon upang maibalik ang maayos na kondisyon ng MRT-3 partikular ang pagpapalit ng lahat ng riles.

Ipinaliwanag ni De Leon na bagama’t nasa 20 taon pa lamang ang mga riles ay malaki na ang pangangailangan na palitan ang lahat ng parte nito.

Dagdag pa ng opi­syal, dalawang taon ang kailangan upang tulu­yang ma-rehabi­litate ang riles dahil sa ngayon ay sa gabi lang naman sila nag-aayos.

Kinumpirma naman ng DOTr na patuloy ang testing nila sa Dalian trains na una nang napaulat na hindi mapapakinabangan dahil hindi compatible sa mga riles at sadyan­g mabigat ang mga bagon.

“My point is maybe in the end they (Dalian trains) maybe compliant­ with all these things put together, but the point is they already violated one provision. So I don’t know why are we wasting our time having it run, sabi nga ninyo pudpud na ang mga riles natin patakbo pa tayo nang patakbo dyan,” pahayag naman ni Poe nang makumpirmang patuloy ang testing sa mga tren.

Subalit ipinaliwanag ng DOTr na may mga pag-aaral din naman na may posibilidad na maaaring magamit ang mga tren at malalaman ang assessment dito sa kalagitnaan ng Marso.