Sa kabila ng sunod-sunod na kapalpakan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), mistulang pinagtanggol pa ni Senador Manny ‘Pacman’ Pacquaio ang chairman nito na si House Speaker Alan Peter Cayetano kahapon nang sabihin nito na sa halip na magsisihan, dapat umanong magkaisa ang lahat at suportahan ang mga atletang Pinoy na lalahok sa nalalapit ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.
“Ang panawagan ko po sa ating mga kababayan, magkaisa po tayo, suportahan natin ang mga atleta natin kasi ito ang mukha natin, ito ang karangalan nating lahat,” sabi ni Pacquiao sa panayam kahapon.
“Kung ano ‘yung problema saka natin pag-usapan, after ng SEA Games,” dagdag pa nito.
Nitong mga nagdaang araw nabalot ng kontrobersiya ang SEA Games partikular ang ‘kalderong ginto’ na ginastusan ng P55 milyon ng Phisgoc.
Sinundan pa ito ng mga aberya sa accommodation ng mga dayuhang atleta. Naging laman din ng balita ang kalidad ng pagkaing inihahain sa mga atleta kabilang na dito ang kikiam at itlog lamang.
Pero sa pagbisita ni Pacquiao sa mga atleta sa bagong tayong New Clark City, sinabi nitong maayos naman ang pagkaing inihain sa kanila.
“Pumunta naman ako dun, wala namang kulang. Tinanong ko ‘yung mga participants natin—‘yung Thailand, ‘yung Indonesia. Sabi ko: ‘Hows the food?’ Sabi nila, very good. Tuwang-tuwa sila so okay naman, wala namang problema,” sabi ni Pacquiao.
Suspetsa nito, napopolitika lang ang pagho-host ng Pilipinas sa nalalapit ng SEA Games.
“Saka natin pag-usapan ‘yung mga problema. Kung ano ‘yung mga pagkakamali natin, pag-usapan natin at ituwid natin,” sabi ni Pacquiao.
Ilang araw nang trending sa Twitter ang #SEAGamesfail dahil sa mga bulilyaso ng Phisgoc.
Samantala, ang Kamara at hindi ang Senado umano ang dapat sisihin sa pagkaantala ng pondo para sa SEA Games, ayon naman kay Senate President Vicente Sotto III.
Una aniyang dahilan ay ang pagpalit ng liderato noon sa Kamara at pangalawa ang pagkaantala ng pagsumite ng budget ng Kamara sa Senado na ipinasa lamang noong Nobyembre 24.
“Ha? Una, nagpalit sila ng leadership. Baka nakakalimutan nila na nagpalit din sila ng chairmanship. Baka nakakalimutan nila na imbis na i-submit sa amin by October 1 ‘yung budget, sinubmit nila nu’ng November 24,” sabi ni Sotto sa panayam ng mga reporter kahapon. (Dindo Matining)