Kalendaryo ng Senado dapat rebisahin 

Nagpahaging si Budget Secretary Benjamin Diokno na kailangang rebisahin ng Kongreso ang kanilang calendar of session dahil sa dami ng bakasyon.
Partikular na pinuna ni Diokno ang schedule ng sesyon ng Kongreso ngayong taon.
“Kasi doon sa origi­nal sched, mag-a-adjourn sila ng December 13 tapos magre-resume sila ng January 14.
Hindi lang January, 14 pa. Bakit ang ordinary wor­kers eh January 2 papasok na tayo,” saad ni Diokno.
Ginawa ni Diokno ang pahayag kasunod ng pakikipag-usap nito sa liderato ng Senado para hilingin na ipasa ang 2019 National Budget bago matapos ang taon.
Sinabi ng kalihim na sa kanyang pagtantiya, kakayanin naman ng Senado na tapusin ang pagtalakay sa budget.
“I have passed 10 budgets in my lifetime so kayang-kaya ‘yun kung gusto talaga. They have been conduc­ting hearings since day 1 so walang sacrifice diyan. The role of the se­nate is to propose amendments or concur with the House version or GAB (general appropriations bill),” diin ni Diokno.
“Madali mag-scrutinize ha. We do that all the time. Yung tinatawag naming statement of difference, we compare yung President’s budget with the House budget,” dagdag nito.