Kaligtasan ng mga estudyante iprayoridad

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Milyun-milyong mga estudyante ang magbabalik-eskuwela kasabay ng muling pagbubukas ng klase.

Kaya naman umaapela tayo sa mga awtoridad na tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral na magdadagsaan sa mga eskwelahan sa unang araw ng balik-eskuwela.

Hangad nating naging preparado na ang lahat ng eskwelahan upang sa pagpasok ng kanilang mga estudyante ay maayos na ang lahat.

Hindi iyong kung saang magsisimula ang klase ay doon naglilinis ng mga silid-aralan katuwang ang mga nagsibalik na estudyante.

Palakasin din sana ng ating mga kapulisan ang ipinaiiral na seguridad sa bisinidad ng mga ­eskwelahan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Bukod sa pagtiyak sa seguridad ng mga ­estudyante ay matutukan din sana ng pamunuan ng mga eskwelahan katuwang ang local government units (LGUs) ang mga nagtitinda ng mga pagkain at kung anu-ano pang bilihin sa paligid ng eskwelahan.

Maipatupad sana ang regular na pag-inspeksyon sa mga nagtitinda ng kung anu-anong pagkain sa paligid ng mga eskwelahan upang masigurong malinis ang mga ito at hindi maging biktima ang mga estud­yante ng kung anu-anong sakit na dulot ng pagkain ng mga maruruming street foods.

Maliban sa pagkain ay mabigyang proteksyon din sana ang mga estud­yante sa kamay ng mga abusadong mga tsuper na ginagamit ang sitwasyon para makapagsamantala sa pamamagitan ng ­paniningil ng sobra-sobra sa pasahe ng mga estud­yante.

Pero higit sa lahat, sana ay matutukan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang hindi bumagsak sa kamay ng mga mapagsamantalang indibidwal.