Andami nang nasisilip na isyu sa dati ay kinahuhumalingang Angkas.
Nariyang bigyan ng ultimatum ang panahon ng kanilang pagseserbisyo na sinundan ng pagsilip sa ownership ng may-ari ng kompanya, pagpapataw ng surge rate at pag-operate sa mga lugar na hindi sila dapat.
Ang sa atin naman kahit anong buti ang hatid sa taumbayan kung may paglabag sa batas, aba’y dapat kastiguhin.
Kahit sino dapat sumunod sa ipinaiiral na batas ng ating pamahalaan.
Speaking of batas, mukhang wala naman sa batas ang bagong nakasaad sa application ng Angkas na paghingi sa timbang ng kanilang mga pasahero.
Malinaw itong diskriminasyon sa mga kababayan nating may kabigatan ang timbang.
Ayon sa Angkas nais lang nilang proteksyunan ang kanilang mga rider at pasahero kaya mahalagang ideklara ng pasahero ang timbang nito kapag nagpapa-book.
Pero ayon sa isang Angkas rider na ating nakapanayam, sa ilalim bagong nakasaad sa app ay maaari nang magkansela ang isang rider kapag mabigat ang timbang ng kanyang pasahero.
Bagay na tama lang namang gawin ng rider para sa kaligtasan ng pasahero at nagmamaneho.
Sa totoo lang tama ang pagkukunsidera ng Angkas sa timbang ng driver at pasahero nito.
Kanya lang hindi ba’t dapat sa halip na ang mga pasahero ang higpitan ng Angkas ay dapat gayundin ang kanilang mga rider.
Maliban sa pagiging istrikto sa timbang ng mga pasahero dapat ay ganundin ang paghihigpit sa kanilang rider.
Hindi naman tamang ibawal ang matatabang pasahero pero wala silang paki sa matataba din nilang mga rider.
Pinakamainam ding solusyon kung nais magpatuloy sa operasyon ng Angkas ay dapat nilang i-upgrade ang kanilang mga motorsiklo para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.