Nagpaplanong magmartsa pabalik ng Marawi City ang tinatayang 30,000 mga evacuees kasabay ng paghahatid ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang State of the Nation Address (SONA).

Daing ng mga nag-aalburotong mga taga-Marawi na nasa evacuation centers sa ilang lungsod malapit sa Marawi, nahihirapan na raw sila sa kanilang buhay sa mga evacuation centers.

Mas komportable pa raw ang buhay nila sa Marawi kesa sa evacuation centers.

Maraming ­idinadaing ang mga kababayan na­ting bakwit, pangunahin na ang kakapusan sa pangunahin nilang mga panga­ngailangan, katulad ng pagkain, maayos na tulugan at palikuran.

Nauunawaan natin ang himutok ng mga taga-Marawi City pero sana maisip din ng 30,000 bakwit na nagbabantang magmartsa pabalik ng Marawi City na mas inilalagay nila sa panganib ang kanilang komunidad sa gagawin nilang madaliang pag-uwi sa kanilang mga bahay.

Ito ay dahil baka muli na namang humalo ang mga teroristang grupo sa mga bakwit na hindi mala­yong hindi mangyari sapagkat nagawa nila ito noong panahong pinalilikas na ang mga residente ng lungsod.

Kapag nangyari ito ay mas malaking problema ang kanilang kakaharapin.

Kaya sana naman ay makipagtulungan ang mga bakwit. Makinig sa mga awtoridad na kumikilos para maiayos na ang kanilang mga lugar upang sa gayon ay makabalik na sila sa kanilang mga tirahan.

Pero kung patuloy na magmamatigas ang mga bakwit ­nakakabahala na sa halip na mapadali ang kanilang pag-uwi sa kanilang mga bahay ay tumagal pa sila sa mga evacuation centers.

Kung ako ang nasa sitwasyong kinakaharap ng mga taga-Marawi at ma­lamang ng kahit sinong kababayang mahaharap sa ganitong sitwasyon ay mas pipiliin ang kaligtasan kesa sa komportableng pagkain, tulugan at palikuran.

Kaya sa mga kababa­yan nating bakwit, kon­ting sakripisyo na ­lamang dahil kumikilos naman ang ating pamahalaan para makabalik kayo sa normal ninyong buhay.

Higit sa lahat ay hindi lamang buhay ­ninyong mga nagtatangkang bu­malik ng sapilitan sa Marawi City ang malalagay sa alanganin ang buhay kundi ang buong tropa ng gobyerno na puspusan ang pakikipaglaban para maubos ang tero­ristang grupong Maute.