Rey Marfil
Ilang kurimaw natin ang nalilito sa pinakabagong balita tungkol sa suka na sinasabing mayroong synthetic acetic acid. Masama raw ba talaga ito sa kalusugan o hindi?
Hindi natin masisisi kung may mga kababayan tayo na nalilito rin tungkol sa sinasabing pekeng suka na unang ibinunyag ng isang opisyal mula sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI). Matapos kasing unang maibalita na maaaring pagmulan ng cancer ang suka na may synthetic acetic acid, kumambiyo naman sila kinalaunan.
Ang latest nga, naglabas ng limang brand ng suka ang Food and Drug Administration (FDA) na positibo raw sa synthetic acetic acid. Iyon nga lang, lima lang ito at malayo sa unang inilabas na bilang ng PNRI na 15 brand ng suka na mayroon daw synthetic acetic acid na hindi naman nila pinangalanan.
Pinapaalis ng FDA sa merkado ang limang brand ng suka, hindi dahil sa peligroso sila sa kalusugan kung hindi dahil daw sa hindi nila pagsunod sa nakasaad sa kanilang pekete na dapat eh natural ang pagkakagawa ng asim at hindi dulot ng kemikal o pineke.
Ang Department of Trade and Industry (DTI), nadagdag na rin sa listahan ng mga ahensiya na nakasawsaw sa usapang suka dahil naglabas na rin sila ng abiso sa publiko na huwag bilhin ang limang brand na inilabas ng FDA.
Pero tanong ng isa nating kurimaw na ginagawang sabaw ang suka, kung papalitan ba ang nakasaad sa pakete ng suka na “synthetic” ang produkto nila eh puwede na uling ibenta at puwede nang bilhin uli ang mga produkto?
Kung hindi naman papayag ang mga kinauukulan na magkaroon ng synthetic vinegar sa merkado at iginiit pa rin nila na dapat “natural” ang mga suka, ang tanong—bakit di puwede ang synthetic? Pero hindi ba may kasabihan sa siyensiya na masama sa katawan ang anumang kakainin o iinumin kung hindi natural?
Sa lumabas na isang ulat, sinabi ng isang dalubhasa na may mga duming naiiwan sa synthetic material na kapag pumasok sa katawan, batay sa mga pag-aaral ay maaaring magdulot daw ng sakit sa paglipas ng mga panahon. Saan ba gawa ang synthetic suka, aba’y by-product daw ng petrolyo.
Hindi ba kaya ipinapayo rin ng ilan na ipagbawal ang mga e-cigarette at vape dahil kemikal at hindi rin natural ang hinihithit ng mga gumagamit nito na ipinalit nila sa tobacco. Ang dahil sa kemikal, may mga babala at pangamba na posibleng pagmulan ng sakit ang e-cigarette at vape. Ganito rin ba dapat ang ipatutupad na katwiran para alisin sa merkado ang lahat ng synthetic suka para maipakita sa mga tao na walang partikular na brand lang na pinupuntiraya?
Sa totoo lang, apat na ahensiya na yata ng gobyerno ang nakasawsaw sa usapang suka na ito—ang FDA na nasa ilalim ng Department of Health; ang PNRI na under ng Department of Science and Technology; ang DTI at Department of Agriculture dahil ang suka ay maaaring gawa sa niyog, tubo, sasa at iba pa.
Hirit ng isa nating kurimaw, hindi ba puwedeng isang ahensiya na lang ang magsasalita at may awtorisasyon na magdeklara kung safe o hindi ang mga sukang may synthetic acetic acid? Bukod doon, dapat bang sabihin ng PNRI kung anu-ano ang 15 brand ng suka na sinasabi nilang positibo sa synthetic acetic acid?
Papaano kung wala sa listahan nila ang limang brand na tinukoy ng FDA pero cleared naman sa pagsusuri ng PNRI? O kaya naman, cleared sa FDA ang 15 brand na sinuri ng PNRI na positibo sa synthetic acetic acid?
Dahil may mga opisyal tayo na nagsasabi na masama sa kalusugan ang synthetic suka at may nagsasabi rin naman na hindi, bakit hindi kaya kumuha ng opinyon ang mga opisyal natin sa mga respetadong health agency sa ibang bansa tulad ng World Health Organization para magkaroon ng linaw ang maasim na usapang ito sa suka. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”