Muling nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hukom na huwag mag-iisyu ng temporary restraining order (TRO) sa mga mahahalagang programa ng gobyerno.
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa isang aktibidad sa Digos City, Davao del Sur nitong Lunes kung saan binanggit nito ang isyu ng tubig sa Metro Manila.
Sinabi ng Pangulo na batid niya ang naantalang pagpapatayo ng Wawa at Kaliwa dam project dahil sa pagtutol ng mga residenteng maaapektuhan nito.
Hindi aniya malayong gamitan ng mga tumututol ng TRO ang proyekto para hindi matuloy ito kaya binalaan ng Pangulo ang mga hukom na huwag mag-iisyu nito.
“Im warning the judges that be sparing about issuing TRO. Otherwise I will publicly announce that do not follow. You follow the program of government. ‘Yung TRO is just… ginagamit. Pera-pera lang ‘yan eh. Not all, in fairness to other judges,” anang Pangulo.
Nagbanta ang Pangulo na ipakakain niya ang TRO ng hukom kapag hindi makatuwiran ang rason sa pag-iisyu nito.
“Itong kalokohan ng Pilipinas, part of the graft and corupption ‘yan. It’s money. Money-money lang ‘yan. Pag nag-isyu ng TRO ang gagong judge, I will go to him tapos sabihin ko basahin mo ‘yang TRO mo. If it is really a work of a legal mind then maybe, pag hindi ipakain ko ‘yang TRO mo. We have to do something about it,” sabi pa ng Pangulo.
Binigyang-diin nito na kailangan ng Metro Manila ang tubig kaya hindi maaaring maantala ang nabanggit na mga proyekto.
Tiniyak din ng Pangulo na babayaran ng gobyerno ang mga maaapektuhang residente at ililipat ang mga ito sa ibang lugar.
“They are trying to delay the project and we need water. Manila without Wawa and Kaliwa dam, this will be the last resort to have water for Manila. I will order them to go ahead, and we will pay the natives and we will relocate them,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)