Sa panahon ngayon higit na kailangan ng gobyerno ang suporta dahil na rin sa kaliwa’t kanang mga problema na nangyayari sa bansa, at hindi makatutulong ang mga kaalyado nila na makadadagdag lang sa sakit ng ulo ni Pangulong Duterte.

Gaya na lang sa isyu ng binatilyong si Kian delos Santos na napatay daw sa anti-drug operation ng mga pulis sa Caloocan City.

Aba’y alam naman nila na mainit ang dugo ng mga kritiko ng Pangulo sa nangyaring magkakasunod na maramihang patayan sa Bulacan at Metro Manila, eh, sinundan nila ng pagpatay sa isang menor de edad gamit ang katwirang “nanlaban”.

Ang nangyari tuloy, nakahanap ng kutson ang mga kritiko na paglulundagan para mapataas ang ingay sa isyu ng alegasyon ng extra-judicial killings.

Aba’y hindi biro ang lumalabas na resulta sa awtopsiya sa binatilyo na parang dagang estero na binaril sa likod at dalawa pa sa ulo.

At kung pagbabatayan din ang sinasabing trajectory ng bala, may indikasyon na nakatayo ang bumaril at mas mababa na ang posisyon ni Kian.

Malamang ang itatanong ng ating kurimaw, binaril ba siya habang nakaluhod? O baka naman 7 footer ang taas ng isang pulis?

Tama na dapat hayaan ni Pangulong Duterte na maparusahan kung lalabas na nagkamali ang mga umaresto kay Kian.

Mabuti at hindi siya nagmatigas gaya ng mga dati niyang mensahe na, “akin ‘yan”, pagdating sa mga sangkot sa droga na mapapatay ng mga pulis sa “kontrobersiyal” na dahilan na nanlaban.

Pero maliban sa batikos na inaabot ngayon ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga, may iba pang usapin na dapat harapin gaya ng iskandalo sa Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa nakalusot na iligal na droga na nagkakahalaga ng P6 bilyon.

Dapat noon pa nagbitiw si BOC Commissioner Nicanor Faeldon para naprotektahan niya si Duterte. Ang nangyari tuloy, nakapagsalita ang Pangulo sa media na siya pa ang ipinagtanggol.

Sa huli, sinabi ng Pangulo na tatanggapin na niya ang pagbibitiw ng ­opisyal at ipinalit na nga si Philippine Drug Enforcement Agency chief Isidro Lapeña.

Kailangan din na matugunan ang problema sa bird flu virus at dapat gumawa ng kaukulang paraan ang Department of Agriculture para hindi na kumalat pa sa ibang lugar ang virus  na mula sa Pampanga at umabot na sa Nueva Ecija.

Pero habang pinipigil ang pagkalat sa virus, dapat hindi naman pigilan ang mga tao sa pagkain ng manok.

Mukhang kulang ang impormasyon ng mga kinauukulang ahensiya kung papaano mabibigyan ng katiyakan ang publiko na ligtas kumain ng manok kahit may outbreak.

Akala yata ng mga opisyal eh sapat na ang kumakain sila ng arrozcaldo at itlog sa harap ng media para makumbinsi ang mga tao na safe ang tsibugin ang manok.

Ang dapat nilang gawin, ipaalam sa publiko ang iba pang lalawigan na pinagmumulan ng manok na ibi­nebenta sa merkado. Dapat din nilang tiyakin na ang mga manukan na ito ay virus free.

Para mabawasan din ang alalahanin ng Pangulo, dapat matapos na ang problema sa Maute sa Marawi para masimulan na ang rehabilitasyon sa lugar at makapagsimula na sa kanilang pagbangon ang mga apektadong mamamayan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)