Sinalubong ng libu-­libong mga ­militante at ilang grupo ng mga manggagawang Pilipino sa bansa ang pagdiriwang ng ‘Labor Day’ sa pamamagitan ng kabi-kabilang kilos-protesta.

Tinatayang nasa 2,300 miyembro ng urban poor group na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang nagmar­tsa patungong Welcome Rotonda mula Agham Road sa Quezon City.

Bitbit ng nasabing grupo sa isinagawang malakihang demonstrasyon ang vulture na effigy na may disenyo na inihalintulad sa bandila ng Estados Unidos.

Ayon sa Kadamay, ­hiling nila sa Duterte ­administration na tuluyan nang ibasura ang kontraktuwalisasyon at ­pagpapasa sa mas mataas na minimum wage at pabahay na rin para sa mga mahihirap.

Umaasa rin daw ­sila na magkakaroon na ng konkretong plano si Pangu­long Rodrigo Duterte para umano sa katulad nilang mahihirap na Pilipino.

Pagkatapos sa Welcome Rotonda, ­dumiretso ang militanteng grupo patungong Liwasang Bonifacio sa Lawton, Maynila at sunod sa Don ­Chino Roces Street, malapit sa Malacañang, upang makiisa sa iba pang mga nagpoprotestang grupo.

Nagsagawa din ng kanilang kilos protesta sa Makati City ang ilang business process outsourcing (BPO) employees na tinatawag ang kanilang sarili bilang “Bayaning Puyat”.

Isinagawa ang mga kilos protesta hindi ­lamang sa Metro Manila ­kundi maging sa Bicol, ­Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Iloilo, Tacloban at sa Davao.