Kalokohan!

Bago pa man tumakbo at naupong kongresista, abot sa kaalaman ng mga miyembro ng Lower House ang kurtosiyang umiiral kaya’t anong pinagpuputak at ipinangangalandakan sa media ng mga ito na kanilang ipapatawag si senadora Leila de Lima sa public hearing.

‘Wag na natin banggitin ang pangalan ng mga nagkukunyaring “henyo” sa Kongreso at baka sumikat pa, isang malaking kabalbalan kung mapupuwersa si De Lima humarap sa imbestigasyon, maliban kung magkusa ang senadora. Hindi “bopols” ang liderato ni Senate President Koko Pimentel para bumigay sa “special request” ng mga umaastang “Pinoy-Henyo”.

Bagama’t gustong marinig ng lahat ang panig ni De Lima kaugnay sa alegasyong may kinalaman sa illegal drugs operation sa New Bilibid Prison (NBP) ang itinuturong “driver lover”, nakatali ang kamay ng Kongreso sa pagitan ng Senado. At sa malamang kahit kasamahang senador na nakasamaaan ng loob ni De Lima sa panahong nakaupong kalihim ng Department of Justice (DOJ) — papalag sa gustong mangyari ng mga galamay ni Speaker Alvarez.

Kahit balikatarin ang sitwasyon, malaki rin kalokohan kung papayag ang mga kongresistang nagpanukalang ipatawag si De Lima na humarap sa im­bestigasyon ng Senado kapag sila naman ang nasangkot sa eskandalo. Meron umiiral na kurtosiya ang mga miyembyo ng dalawang Kapulungan ng Kongreso — ang respeto sa bawat isa.

Kaya’t anong pinagsasabi ng mga ito laban kay De Lima.

Anuman ang nakapaloob sa mga kuwento ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay De Lima — ito’y nasa kamay ng senadora para linisin ang kanyang pangalan, hindi nga lamang natin alam sa kung anong pamamaraan lalo pa’t hindi saklaw ng committe on ethics ang naunang aksyon bago naupong mambabatas.

Napakadaling sumigaw ng “transparency” para sa mga kongresista lalo pa’t naghahabol ng mahandang soundbite subalit hindi iniisip kung meron bang patutunguhan ang panakot kay De Lima na ipatawag sa Lower House. Sa halip pag-initin ang isyu at umastang tsismoso, bakit hindi tumayong “reperi” ang Kongreso.

Tanging magagawa ng Kongreso — ipatawag at puwersahing humarap ang diumano’y “driver lover” ni De Lima, maging ang itinuturong “bagman” subalit pagdating sa estado ng senadora — ito’y parang linya lang ni Vicky Morales na “Wish ko Lang”. Sana naman “next time”, mag-isip muna bago ibuka ang bu­nganga para maging katotohanan at kapani-paniwala, as in hindi nagpapadala sa kislap at ilaw ng camera.

Sa kabuuan, kailangang sagutin ni De Lima ang mga bintang lalo pa’t mismong Presidente at pinakamakapangyarihan sa bansa ang nagsasalita laban sa kanya. Totoo man o hindi, karapatan ng sambayanang Pilipino, higit sa lahat sa mga taong nagtiwala at bomoto sa lady solon na malaman ang katotohanan dito.

Sa ngayon, maaring “flavor of the month” si De Lima ni Pangulong Digong  dahil malalim ang pinaghuhugutan ng mga alegasyon at “feeling” nito’y pi­nersonal ng lady solon sa mahabang panahon at seryoso ang problema sa  illegal drugs subalit naniniwala ang inyong lingkod na huhupa rin ang bagyo.

Hindi man sila magkasundo ngayon, darating ang panahon magkakatulungan sa ibang programa ng gobyerno dahil taong bayan ang talo sa banga­yan ng mga ito at nagkakahati-hati sa opinyon. Ang tanong lamang, sino ang bibigay sa dalawang ito?

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)