Dahil sa landslide, sarado ang ilang kalsada ng apat na barangay sa bayan ng Luna, Apayao noong Biyernes.

Sinabi ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) officer Jomar Bragas na natabunan ng lupa ang kalsada ng Marag Valley na mula sa bundok bunsod ng nararanasang mga pag-ulan sa naturang lugar.

Dahil dito, sinabi ni Bragas na apektado ang apat na barangay ng Luna na kinabibilangan ng Marag, Kagandungan, Kalabigan at administrative barangay na Kalalukay.

Sinabi pa ni Bragas na isasagawa ang clearing operation sa lugar kung titigil na ang pag-ulan.

Samantala, isinailalim sa preemptive evacuation ang nasa 50 pamilya na binubuo ng 150 katao sa Brgy Gattu, Pamplona, Cagayan na inilikas sa Pamplona gymnasium.

Ayon pa sa MDRRMO, tumaas ang lebel ng tubig sa Pamplona River dahil sa mga pag-ulan sa probinsya ng Apayao.

Anila, buong araw na nakaranas ng pag-ulan ang lalawigan ng Apayao kung saan bumabagsak ang tubig sa bayan ng Pamplona at mga karatig bayan sa lalawigan ng Cagayan. (Allan ­Bergonia)