Pinag-usapan natin sa huling Kalihim Natin kolum ang bagong batas na nagpapalawig sa Maternity Leave Benefits ng mga kababaihang kawani ng pamahalaan at mga pribadong kompanya, bilang pagpapahalaga ng administrasyon sa kanilang ambag sa pagpapayabong ng ekonomiya at sa papel na patuloy nilang ginagampanan sa araw-araw na paghubog ng pamilyang Pilipino.
Ipinasa na rin ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo kamakailan ang Republic Act 11148 na mas kilala bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-nanay Act. Ang naturang batas, na tinawag ding “First 1,000 days Law,” ay lalong pinapatatag ang pambansang programa at kaugnay na lokal na inisyatiba para sa kalusugan at nutrisyon ng mga buntis, mga kabataang babae, mga sanggol at mga musmos sa unang 1,000 araw ng panganganak.
Sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at ng National Nutrition Council (NNC), pinarerepaso ng RA 11148 ang mga estratehiya at pagtugon ng pamahalaan para mabalangkas ang isang komprehensibo at pangmatagalang programa laban sa malnutrisyon, pati na ang pagtuon sa mga kababaihang nasa reproductive age gaya ng mga inang teenager, buntis, nagpapagatas na ina at mga bata mula pagkasilang hanggang 24 na buwan.
Nandiyan din ang Universal Health Care Law na ating tinulungang maipasa noong ako ay nasa Kongreso pa.
Ginagarantiya ng batas ang pantay na “access” sa de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan at pagpapagamot sa karamdaman, lalo na ng mga mahihirap nating kababayan.
Sa ilalim ng Universal Health Care Law, bawat Pilipino ay awtomatikong ipapaloob sa National Health Insurance Program (NHIP). Bawat lalaki, babae at bata ay bibigyan ng agarang karapatan sa “preventive, promotive, curative, rehabilitative, and palliative care” para sa iba’t ibang serbisyong medikal, dental, mental, at maging emergency cases.
May ilan pa tayong kailangang gawin upang tuluyang mapakinabangan ng ating mga kababayan ang batas na ito. Kaya nga sa ating talumpati sa Philippine Rheumatology Association (PRA) sa Davao City, nanawagan tayo sa mga medical professionals na makipagtulungan sa DOH at sa PhilHealth upang pinuhin nang husto ang mga detalye sa pagpapatupad nito.
Kasama ng marami pang iba, ang positibong epekto ng mga bagong batas na ito ay nakasalalay sa matagumpay na implementasyon.
Kagaya ng determinasyon ni Pangulo Rodrigo Duterte na kalingain ang mga mahihirap nating mga kababayan, kailangan nating tapatan ito ng ambag sa implementasyon upang masigurong hindi mauunsyami ang mga layunin ng batas na ito.
Magsama-sama tayong buuin ang isang matatag na bansa. Mula sa taong-gobyerno, mga eksperto at karaniwang Pilipino, mahalaga ang ambag ng bawat isa upang makamtam ang hangaring ito.