Kamangmangan ‘economic time bomb’

Umapela si Albay Rep. Joey Salceda sa mga kapwa niya mam­babatas na ipasa ang mahahalagang panukalang batas niyang nakahain sa Kamara kaugnay sa edukasyon.

Layon nito na matugunan ang nakakaalar­mang ulat ng Department of Education (DepEd) na maraming kabataang mag-aaral sa elementarya ang nana­natiling ‘latent ­illiterate’ o hindi marunong ­bumasa o mangmang.

Sa naiulat na “DepEd Bicol 2019 data” ­sinasabing mga 70,000 mag-aaral sa ­elementary sa Bicol ay ­nananatiling mangmang, isang ­suliraning tinawag na “ticking economic time bomb,” ni Salceda.

“Ang isang mag-aaral na ipinapasa sa susunod na grado ngunit ­hindi pa natututong ­bumasa ay sapat na dahilan upang mag-alala tayo. Krisis na ang magkaroon ng 70,000 ganitong mga mag-aaral sa isang ­rehiyon lamang. Halos tiyak ko na ganyan din ang ­lagay sa iba pang mga rehiyon,” ayon sa mambabatas.