KAMARA MAGIGING KANGAROO COURT NI DUTERTE — DE LIMA

Kumbinsido si Senator Leila de Lima na magmimistulang kangaroo court ang gagawing imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng paglipana ng illegal drugs sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) at gagawin lamang umano itong lugar upang lalong durugin ang kanyang pagkatao.

“The House conducting this inquiry is Duterte’s kangaroo court conducting the Salem witch trials and burning me at stake,” pahayag ni De Lima.

Dagdag pa itong reaksiyon ng senadora kaugnay sa hamon ngayon ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa senadora na sagutin ang lahat ng mga ibinabatong alegasyon sa kanya tungkol sa illegal drug trade sa pamamagitan ng pagharap sa isasagawang inquiry sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa kabila ito ng paulit-ulit ang pagtanggi ng senadora na may kinalaman siya sa illegal drug trade sa loob ng kulungan.

Giit ng senadora, ang pagdinig ay hindi na bahagi ng demokrasya dahil pawang mga sinungaling na saksi o false witnesses ang kanilang ihaharap para idiin siya.

“This is not demo­cracy, this is an inquisition straight from the dark ages,” ayon pa sa senadora.

Paglilinaw pa ng senadora, wala pang pormal na reklamong isinampa laban sa kanya kung kaya’t wala pa siya sa proseso ng pag­lilitis. Ngunit halata naman, aniya, na ang gagawing imbestigasyon ng Kamara ay para durugin ang kanyang pagkatao.

Wala umano siyang nakitang lehitimong agenda na may kinalaman sa paggawa ng batas o in aid of legislation ang naturang imbestigasyon sa halip ito’y bahagi ng demolisyon laban sa kanya.

“There is no legitimate, bona fide agenda, in aid of legislation, that underlie such inquiry except to serve as another forum for demolition,” dagdag pa ni De Lima.