Matumal ang nagpapa-drug test sa hanay ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa 293 miyembro ng 17th Congress, dalawang kongresista pa lamang ang boluntaryong sumailalim sa nasabing pagsusuri.

Ito ang puna ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, dahil simula nang magkahamunan na sumailalim sa drug test ang mga mambabatas sa Kamara noong nakaraang buwan ay dalawa pa lamang ang pumatol dito.

Unang nagpa-drug test si Isabela Rep. Rodito Albano na sinundan kamakailan ni Barbers.

Parehong nega­tibo ang resulta sa pagsusuri.

Gayunpaman, hindi nawawalan ng pag-asa ang mambabatas na papatulan ng lahat ng kongresista ang drug test na nasa ilalim ng kanyang House Resolution 15 para patunayan sa sambayanan na suportado ng Kongreso ang kampanya ni Pangu­long Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.

Aniya, kailangang maipakita sa mga consti­tuent na hindi nagdodroga ang kanilang kinatawan sa Kamara at hindi puwede na sabihing malinis sila kung wala namang maipakitang pruweba.

“Libre naman ‘yan. Pumunta sila don sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency), dun sila mismo magpa-drug test. Imposible na gumawa ng kalokohan na resulta ang ating PDEA.

Dun sila magpunta. Dun sila magpa-drug test. Huwag nang hintayin na magkaroon ng compelling order na tayo ay sumailalim sa drug testing,” ani Barbers.