Hindi malayong ma-contempt ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung hindi susundin ng mga ito ang kautusan ng Sandiganbayan na suspendihin ang dalawang miyembro ng Kamara na nasangkot sa kasong katiwalian.

Ito ang babala ni Albay Rep. Edcel Lagman ng Legitimate 8 sa Kamara kaugnay ng ibinabang 90 suspension order ng Sandiganbayan laban kina Pangasinan Rep. Amado Espino Jr. at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte.

“Alam mo kung hindi susundin ng Mababang Kapulungan, wala pang precedent kung anong gagawin ng husgado, baka ide-declare in contempt ‘yung speaker, ang majo­rity leaders at yung mga member ng rules committee,” ani Lagman.

Si Espino ay nahaharap sa kasong katiwalian sa Sandiganbayan dahil sa black sand mining matapos payagan nito ang isang mining company na magmina sa kanyang lalawigan kahit walang lisensya ang mga ito.

Tulad ni Espino, 90 days suspension din ang ipinataw ng Sandiganbayan Sixth Division laban kay Villafuerte dahil noong gobernador pa ito ng lalawigan ng Camarines Sur ay bumili ito ng petroleum product na nagkakahalaga ng P20 milyon nang hindi idinaan sa public bidding.

Unang sinabi ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na ire-refer ang kautusan sa Sandiganbayan sa Rules committee na pinamumunuan ni House Majority leader Rodolfo Farinas kung saan dedesisyunan ang aksyong gagawin.

“‘Yan ay pag-e-evade ng obligasyon ng House leadership kung itatapon mo sa total members ang pagdedesisyon na ‘yan,” ani Lagman, kaya dapat umanong sundin na lamang ang kautusan ng korte dahil may kapangyarihan ang husgado na mag-enforce ng contempt.