Kamara sa Batangas

Mapapailing ka ma­rahil, mahal na mambabasa, sa desisyon ng Kamara de Representantes ng Kongreso na magdaos ng sesyon nitong Miyerkoles, hindi sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City, kundi sa Batangas City Convention Center sa kapitolyo ng lalawigan ng Batangas, na kasalukuyang nasa ilalim ng deklaradong state of calamity dahil sa pagputok at patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 50,599 pamilya o 203,763 katao ang apektado ng pagbuga ng Taal, mula sa mga probinsya ng Batangas, Quezon, Laguna, at Cavite. Sa bilang na ito, 26,767 pa­milya o 104,377 katao ang pansamantalang kinukupkop sa 408 na mga evacuation center.

Ayon naman kay Gobernador Mandanas ng Batangas, umabot na sa isang milyon ang bilang ng mga bakwit sa kanilang probinsya, mga residente ng Batangas na napilitang lumikas dahil sa pagputok ng Taal. Nasa 800,000 umano ang nakikitira sa mga kamag-anak, samantalang nasa 200,000 ang nasa mga evacuation center. Pinagbabawal ang paglabas-pasok (“total lockdown”) sa mga bayan ng Talisay, Laurel, Agoncillo, San Nicolas, Taal, Lemery, Sta. Teresita, Cuenca, Balete, at Mataas na Kahoy.

Sa ngayon, umaabot umano sa P3 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa Batangas, Laguna, at Cavite. Pinananatili ng Phivolcs ang Alert Level 4 sa Taal, na nangangahulugan na posibleng magkaroon ng mapa­nganib na pagputok ng bulkan sa loob ng ilang oras o araw.

Sa gitna ng ganitong sitwasyon, nagpasya ang Kamara na maglunsad ng sarili nitong paglikas. Kailangang maglakbay ang 303 kongresista, kanilang staff, mga empleyado ng Kamara (House secretariat, mga page, at security personnel), at eskort na Philippine National Police, sa pamamagitan ng mahabang convoy ng mga bus, coaster, kotse, at iba pang sasakyan (na walang dudang makadaragdag sa trapiko at maaaring makadagdag perwisyo sa mga aktwal na nagbibigay ng tulong) upang mairaos ang isang araw na sesyon sa Batangas City.

Ano ang nasa adyen­da ng sesyon? Tatala­kayin umano ang panukalang batas para sa pagtatag ng isang Department of Disaster Management. Bibigyan din ng pagkakataon ang mga kongresista ng Batangas at iba pang apektadong distrito na makapagtalumpati.

Hindi na kailangang pagdiinan na maaaring gawin ng Kamara ang lahat nang ito sa ilalim ng bubong ng Batasang Pambansa. Mas mabilis. Walang dagdag na gastos at abala, lalo na sa gobyernong panlalawigan ng Batangas na mapipilitang mag-asikaso sa pagdagsa ng daan-daang VIP habang nagpupunyaging tumugon sa mga panga­ngailangan ng mga bakwit na nakakulumpon sa iba’t ibang sulok ng Batangas.

Mabuti pa kung inilaan na lang ng Kamara ang winaldas sa lohistika para sa direktang tulong sa mga biktima ng bulkan.