Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nakahanda ang Kamara na dagdagan ang pondo ng pamahalaan kung kinakailangan para malabanan ang pagpasok sa bansa o kaya’y pagkalat sa mapanganib na Novel Coronavirus (nCoV).
Paglilinaw ni Cayetano, lahat ng programang nakalaan sa ilalim ng P4.1-trillion 2020 national budget ay prayoridad ngunit kung kinakailangan dagdagan at aaksiyunan ito ng Kongreso.
“Health is a priority, housing is a priority, education is a priority, the Build, Build, Build program is a priority, so it is unavoidable that some may lack funds (in the process of implementation) but so long as it is part of the budget, it can be augmented,” ayon kay Cayetano sa isang ambush interview.
Kamakalawa, sa pagharap ni Health Sec. Franciso Duque sa isinagawang question hour ng Kamara kaugnay sa isyu ng nCoV, ipinaabot mismo ni Cayetano sa kalihim ang kahandaan ng liderato na pagkalooban ng dagdag na pondo ang ahensiya kung kinakailangan para lamang magawa nito ang lahat ng nararapat na hakbang upang labanang makapasok sa bansa ang nakakabahalang sakit. (Eralyn Prado/JC Cahinhinan)