Duguang nakahandusay sa kalsada nang matagpuan ang isang lalaki na dayo lamang umano matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek, kamakalawa ng gabi sa Port Area, Maynila.
Inilarawan ng mga imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section ang biktima na nasa pagitan ng 30 hanggang 35-anyos, may taas na 5’2” hanggang 5’4”, katamtaman ang laki ng katawan, may tattoo na rosaryo sa leeg at “ANTHONY” sa kanyang kamay at nakasuot ng brown na cargo pants.
Nabatid na alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Block 15-B Staging Area, Lot 28, sa Baseco Compound.
Ayon sa ilang residente, nadiskubre ang biktima na duguang nakahandusay sa kalsada at may mga tama ng bala sa katawan, matapos nilang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
Hinala naman ng mga awtoridad dayo lamang sa lugar ang biktima na dead-on-arrival sa pinagdalhang ospital dahil walang residenteng nakakakilala dito.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, gayundin ng mga suspek sa krimen.