Hindi na nakauwi nang buhay ang isang 26-anyos na binata makaraang hara­ngin at pagbabarilin hanggang sa mapatay ng riding-­in-tandem habang nagla­lakad kasama ang kanyang ate pauwi ng bahay sa Project 3, Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation Detection Unit ( CIDU ) nakilala ang biktima na si Christopher Bolo y Lucero, ng No.148-Molave St., Brgy. Duyan-Duyan, Project 3.

Nagtamo ang biktima na sampung tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril na agarang ikinamatay nito.

Halos hindi pa umano makausap ng mga imbestigador ang kapatid ng biktima dahil sa nakita nitong pamamaril sa kanyang utol bandang alas-4:40 ng madaling-araw sa Kamagong St., malapit sa Tindalo St., Brgy. Duyan-Duyan.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangu­nguna ni Sr. Insp. James Baquiran, nakakuha sila ng 10-piraso ng basyo ng bala at apat na deformed fired bullets at dalawang tingga.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy kung ano ang motibo at kung sino ang responsable sa nangyaring pamamaslang.