Mistulang sinalisihan sa kwentuhan ni kamayan ang isang lalaki matapos itong barilin sa ulo habang masayang kakwentuhan ang mga kaibigan sa Brgy. Pineda, Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula na si Oliver de Guzman, binata, walang hanapbuhay ng 516 MRR Old St., Purok 2, Brgy. Pineda, Pasig City sanhi ng dalawang tama ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa ulo.

Batay sa ulat ni PO2 Danilo Damasco ng Pasig City Police, ala-1:50 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa M. Diaz St., kanto ng San Andres St., Purok 2, sa Brgy. Pineda.

Lumalabas sa imbes­tigasyon na nakatayo ang biktima at masayang nakikipagkwentuhan sa kanyang mga kaibigan nang lapitan ng suspek at barilin sa ulo na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril sa biktima.

Naniniwala naman ang mga awtoridad na posibleng drug related ang pagpatay matapos matuklasang ang biktima ay kasama sa drug watchlist ng Barangay Pineda.

Patuloy naman nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa tunay na motibo ng nangyaring pamamaril.