Ayon pa kay Rosario, pawang mga armado ng baril ang karamihan sa miyembro ng Pasaway Group kaya’t kinakailangan ng kanyang kapatid at kasama sa Peacekeeping Action Team, na karamihan ay pawang mga reserved officer din ng militar, na magdala rin ng baril bilang proteksiyon sa kanilang sarili.
Kuwento pa ni Rosario, nagawang manlaban ang mga miyembro ng Pasaway Group nang masakote sila ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ng kanyang Kuya Buboy subalit minabuti ng kanyang kapatid na tiyaking walang mamamatay sa magkabilang panig.
Nang akusahan aniya si Kagawad Buboy na nagpaputok ng baril nang masakote ang grupo ng mga pasaway, kaagad nitong isinumite sa mga awtoridad ang lisensiyadong baril upang pasinungalingan ang bintang at lumabas sa ginawang ballistic examination ng Northern Police District (NPD) Crime Laboratory na hindi ipinutok ang baril at negatibo rin siya sa boluntaryong pagsasailalim sa paraffin test.
Inakala ng pamilya ni Buboy, lalo na ng kanyang asawang si Arlene, na matatahimik na ang lugar dahil nagkawatak-watak na ang miyembro ng grupong naghahasik ng sindak at gumagawa ng krimen sa kanilang lugar subalit taliwas pala ito sa kanilang inaasahan.
Ito’y dahil ilang minuto pa lamang ang nakararaan nang pumasok ang taong 2011 nang barilin ng isang miyembro ng Pasaway Group si Buboy habang nasa aktong kinukuhanan ng larawan sa labas ng kanilang bahay ang kanyang ina, asawa ang anak na babae.
Sinabi ni Arlene sa TUGIS na hindi nila namalayan ang pagputok ng baril dahil isinabay ang pamamaril sa nagaganap na putukan ng mga firecrackers sa pagpasok ng taon at nakita na lamang nilang bumagsak si Kagawad Buboy sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Kaagad na isinugod ng kanyang mga kaanak si Buboy sa Martinez General Hospital sa A. Mabini Street subalit idineklara itong patay na sanhi ng tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo.
Kuwento pa ni Arlene, alas-9:00 pa lang ng gabi bago maghiwalay noon ang taon ay natulog na ang kanyang mister at nagbilin na gisingin siya bago maghiwalay ang taon upang makiisa sa pagdiriwang. Wala aniyang nakaka-alam na ito na pala ang huling pagsalubong ng kanyang asawa sa Bagong Taon.
Dahil sa nangyaring krimen, kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang kapulisan sa pangunguna ni dating Caloocan police investigation head Chief Insp. Rodrigo Soriano hanggang matuklasan ng pamilya ni Kagawad Buboy na nakasama sa larawang kuha ng nasawi ang dalawa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay.
Sa larawang kuha ni Buboy sa kanyang asawa, anak at ina sa harap ng kanilang nakaparadang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay, nahagip ng kuha ng hawak niyang camera ang salarin na halos kasabay ng pagpitik niya ng larawan sa pagkalabit naman ng gatilyo ng baril ng salarin.