Eksaktong limang araw matapos mapatay si Kagawad Buboy, nakatanggap ng mensahe si Caloocan police chief Senior Supt. Jude Santos mula sa Isabela provincial police na nagpapahayag na isang lalaking kawangis ng mukha ni Buenaflor ang nakaiwan ng cellular phone sa sinakyan nilang bus sa naturang lalawigan.
Walang inaksayang panahon si Santos at kaagad na inatasan si Chief Insp. Soriano na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Isabela province, kabilang na ang nakatalaga noong provincial director, hepe ng bayan ng Aurora, tatlong alkalde ng lalawigan at mga opisyal ng barangay.
Pagsapit nina Soriano sa naturang lalawigan, kaagad silang nagtungo sa kompanya ng bus na sinakyan nina Buenaflor kaya’t natunton nila sa naiwan nitong cellular phone ang mga mensahe, kabilang na rito ang babaeng nagta-trabaho sa isang beerhouse sa Aurora na kaibigan ni Loraine.
Kasama ang mga tauhan ng pulisya sa Isabela tinungo nina Chief Insp. Santos ang beerhouse at direktang nakipag-ugnayan sa manager na naging dahilan upang mapuwersa ang kaibigan ni Loraine na ituro kung saan naninirahan pansamantala sa naturang bayan ang dalawa.
Dakong alas-10:00 nang gabi ng Enero 6 nang dumating ang mga kapulisan sa tinutuluyang boarding house nina Buenaflor at Loraine sa Brgy. Kalabasa, bayan ng Aurora sa Isabela.
Nang katukin ng pulisya ang pintuan, mismong si Buenaflor pa, na noon ay kasalukuyan ng natutulog, ang nagbukas sa kanila at bagama’t pupungas-pungas pa ay tila nabigla nang makita ang pinagsanib na puwersa ng Caloocan at Isabela police.
Mapayapa namang sumuko at hindi na nagtangkang manlaban ni Buenaflor hanggang dalhin siya sa tanggapan ni Chief Supt. Francisco Villaroman na noon ay siyang Director ng PNP Region II at doon ay iprinisinta siya sa mga mamamahayag.
Suot pa ni Buenaflor ang kanyang bullcap nang pumayag na makuhanan ng mga miyembro ng media ng larawan at video kung paano niya inasinta ng hawak na baril si Kagawad Buboy. Hindi na rin ikinaila ni Buenaflor ang pagpatay dahil na rin sa larawang kuha sa kanya ng kanyang naging biktima, ilang segundo bago pa man niya makalabit ang gatilyo.
Alas-kuwatro na nang madaling-araw nang dumating sa Caloocan police headquarters ang grupo nina Chief Insp. Soriano, kasama ang nadakip na si Buenaflor at ka-live in na si Loraine at dito’y muli niyang inamin ang pagpatay at sinabing hindi niya pinagsisisihan ang nagawa dahil gumanti lamang siya sa umano’y ginawang tangkang pagpatay sa kanya ni Kagawad Dagsa at mga kasamahan.