Sinabi niya na noong naka-enkuwentro nila ang mga miyembro ng Peacekeeping Action Team ng buwan ng Nobyembre ng taong 2010 sa pangunguna ni Kagawad Dagsa, napilitan siyang sumuko nang mag-jammed ang kanyang dalang baril habang nakikipagpalitan ng putok subalit sa halip na isuko sa kapulisan, pinagtulungan pa umano siyang gulpihin at barilin sa ulo bagama’t dumaplis lang ang bala kaya’t nang lumaya siya sa bisa ng piyansa, pinagplanuhan na niyang patayin si kagawad para makaganti sa ginawa sa kanya.

Taliwas naman ito sa naging pahayag ng isa pang miyembro ng Peacekeeping dahil sa kabila aniya ng pamamaril sa kanila ni Buenaflor, hindi nagpaputok ng kanyang baril si Kagawad Dagsa dahil nais niyang gumamit ng diplomasiya para mapasuko ang grupo ng Pasaway, patunay ito ng pagiging negatibo biya sa powder burns at resulta ng ballistic examination ng kanyang baril na patunay na hindi ito ipinutok nang mangyari ang barilan.

Nang ihatid sa huling hantungan noong Enero 9, araw ng Linggo, si Kagawad Dagsa sa Eternal Garden Memorial Park sa Caloocan City, dumagsa ang kanyang mga kaanak, taga-suporta at ka-barangay sa kabila ng makulimlim na panahon na tila nakikiisa sa pagpanaw ng butihing opisyal ng barangay.

Pinagkalooban din siya ng hero’s burial sa pamamagitan ng 21-gun salute sa pangunguna ni Army Col. Marcelo Javier, Jr., ang commanding officer noon ng 15th Infantry Division ng Reservist ng Philippine Army.

Karamihan sa mga nakipaglibing kay Buboy ay pawang nakasuot ng itim na t-shirt na may nakasulat na “Justice for Kagawad Buboy” habang mahigit 50 riders at nga military reservists ang umagapay sa libing.

Galit naman ang inihayag ng isa pang mi­yembro ng Peacekeeping Action Team na si Henry Decilio sa naging pahayag ni Buenaflor lalu na’t isa siya sa tinangkang patayin ng akusado noong Nobyembre ng taong 2010.

Natuklasan ng pulisya na nahaharap sa mga kasong murder, frustrated murder, carnapping at robbery holdup si Buenaflor at sangkot din sa pagpatay sa isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi naman kinagat ni Senior Supt. Jude Santos ang naging pahayag ni Buenaflor na paghihiganti ang pakay niya nang patayin si Kagawad Dagsa matapos madiskubre ang mga mensahe sa kanyang cellular phone na planado at may katapat na malaking halaga ng salapi ang pag-likida sa kagawad.

Nakasaad sa isang mensaheng tinanggap ni Buenaflor ang utos ng kanyang handler kung saan nila kukunin ang salapi at ang pag-amin niyang mag-isa sa krimen. Naniniwala si Santos na layunin lang ni Buenaflor na pagtakpan ang tunay na motibo sa pagpatay lalu na’t posibleng natanggap na niya ang malaking halaga ng salaping ibinayad sa kanya para isagawa at akuin ang krimen.