Ang barangay ang maituturing na pinakamaliit na yunit ng pamahalaang lokal na pinamumunuan ng mga halal na punong barangay, mga kagawad at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).

May sapat na kapangyarihan, sa ilalim ng batas na lumikha rito, ang mga opisyal ng barangay dahil pinapayagan silang gumawa ng mga alituntunin, resolusyon at ordinansa at ipatupad ang mga ito sa kanilang lugar na ­nasasakupan.

May karapatan din silang gumawa ng mga proyektong kapaki-pakinabang at magtalaga ng mga mamumuno sa iba’t ibang komite na magpapatupad ng mga patakaran at gawain para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Nagsisilbi ring lugar ang barangay para sa kolektibong pananaw ng mga tao kung saan maaari silang maghayag ng reklamo at isaayos o solusyunan ang anumang maliliit na alitan ng magkakapitbahay o maging hindi pagkakaunawaan ng magkakamag-anak.

Bukod sa punong barangay, mahalaga rin ang tungkulin ng mga halal na kagawad lalu na’t sila ang namumuno sa mga binubuong komite at unang humaharap sa mga inihahaing problema ng kanilang mga nasasakupan.

Isa sa maituturing na may peligro sa buhay ng mga kagawad ng barangay ay ang pamumuno sa Peace and Order Committee dahil sila ang laging tinatawagan at humaharap kapag may mga kaguluhang nagaganap sa kanilang nasasakupang barangay.

May kapangyarihan din silang dumakip sa mga gumagawa ng kaguluhan, sa mga nangu­ngulimbat at mga lumalabag sa umiiral na ordinansa ng barangay.

Kung tutuusin, ilang mga opisyal na rin ng barangay ang napapatay, hindi lamang dahil sa politika, kundi dahil sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Hindi imposible na mayroon silang mga ­nahuhuli na nagtatanim ng galit sa kanila at kumukuha lang ng tamang panahon upang makaganti.

May mga insidente rin na may nakakabangga ang ilang opisyal ng barangay na hindi lamang makapangyarihan kundi may sapat na kakayahang bumayad ng upahang kriminal na handang pumatay kapalit ng malaking halaga ng salapi.

Isa sa pinaka-kontrobersiyal na nangyaring pagpaslang sa isang opisyal ng barangay ay ang naganap na pagpatay kay Kagawad Reynaldo “Buboy” Dagsa ng Barangay 35 sa Maypajo, Caloocan City noong Enero 1, 2011 na itinaon sa hatinggabi ng paghihiwalay ng taon.

Hindi lamang sa mga lokal na pahayagan nalagay sa pangunahing balita ang nangyaring pamamaslang kay Kagawad Buboy Dagsa kundi nabigyang-pansin din ito ng bantog sa buong mundo na Time Magazine matapos makuhanan ng biktima ng larawan ang lalaking pumaslang sa kanya habang nakatutok pa ang hawak ­nitong baril sa kanya.