Inulan na naman tayo ng email patungkol sa reklamo ng mga residente ng Quezon City na apektado ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko na hatid ng pabalik-balik umanong pagsira ng kalsada ng ilang public utility services sa pangunguna ng Maynilad.

Terible naman talaga ang sitwasyon ng mga motorista at pasahero na nagdadaan sa ilang bahagi Quezon City, katulad ng ilang bahagi ng Commonwealth, Regalado, Quirino at Zabarte Road. Kitang-kita ito ng inyong lingkod sa mga ipinadalang larawan ng ating mga reader dito sa TONITE at listeners sa radyo.

Totoo ngang sakripisyo nang maituturing ang napakahabang oras sa biyaheng pinagdadaanan ng mga kababayan nating dumadaan sa nasabing mga kalsada dahil wala raw talagang pinipiling oras ang sikip ng daloy ng trapiko sa kanilang mga dinadaanan.

Lalo pang tumitindi ang trapiko kapag gumagawa na ang mga contractor ng Maynilad na akala mo raw ay mga arawan ang sahod dahil sa napakabagal na paggawa ng mga hinuhukay na mga kalsada para gawin ang kung anumang problema nila sa kanilang serbisyo.

Ang hindi raw maintindihan ni Gng. Nora Saguid ng Barangay Kaligayahan, Quezon City na araw-araw dumadaan sa nasabing mga ruta ay kung bakit paulit-ulit ang ginagawang paghukay ng mga ito sa kalsada.

Nahukay na raw at na­semento na ng mga taga-Maynilad ay babakbaking muli kaya ang dapat ay isang linggo lang gagawin ay tumatagal ng kung ilang buwan.

Ang matindi pa raw ay ang hinukay ng mga kalsada ng Maynilad ay hindi na ibinabalik sa dating itsura ng mga kontratista ng Maynilad kaya ang resulta sira-sira ang mga kalsada kaya maraming sasakyan na ang nasisira at may ilang insidente na rin ng aksidente lalo na sa kanto ng Zabarte Road sa Barangay Kaligayahan.

Sabi sa email ng ating mga reader na apektado ng perwisyong hatid ng mga kontratista ng Maynilad, dapat ay panghimasukan na ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ang problemang ito dahil apektado ang magandang hangarin ng gobyernong Duterte na ayusin ang mga pampublikong istraktura sa ginagawang ito ng mga kontratista ng Maynilad.

Kaya naman sa pamamagitan ng column na ito ay nananawagan tayo kay Sec. Villar na ipasilip ang problemang ito ng ating mga kababayan mula sa Quezon City na hindi na makatiis sa perwisyong hatid ng pagsira sa mga itinuturing na national road ng mga kontratista ng Maynilad.

Sa mga nagpadala ng email sa inyong lingkod, makikipag-ugnayan po ang inyong lingkod sa DPWH at maging sa Quezon City government para mailapit ang inyong concern.

2 Responses

  1. more on Hukay hukay para more on corrupt corrupt, …..ganun lang yan ka simple buti yan mga taga DPWH ang mga kotse nyan SUV pag dumaraan sa lubak hindi masyadong ramdam ang uga ng sasakyan, naka aircon sila hindi nila singhot ang pollution at alikabok sa kalsada at kahit ma late sila sa trabaho dahil sa teribleng traffic ok lang dahil taga gobyerno at kahit late pumasok, hindi mga nag aalala yan ….. pero si juan dela cruz dusang katakot takot