Nakakalungkot ang balitang napasok na muli ang bansa ng Zika virus.
Ito ay matapos na kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na isang 45-anyos na babae mula sa Barangay Benedicto sa Jaro, Iloilo ang nagpositibo sa nasabing virus.
To the rescue na ang mga ka-barangay ng apektadong babae kaya’t tulung-tulong ang mga ito sa pagsasagawa ng fogging at paglilinis ng kanilang komunidad. Nangalap na rin ang health officials ng sampling ng mga kiti-kiti para matukoy ang pinagmulan ng virus.
Pangunahing inaalam ng DOH ay kung “locally acquired” ang Zika virus pero ikinukunsidera ring alamin ang pinuntahang mga lugar ng babae gayundin ang mga nakasalamuha nito.
Para sa amin, oo nga’t hindi na bago ang Zika virus sa Pinas dahil noong Marso ng kasalukuyang taon ay may naitalang kaso pero mahalaga pa ring maging maingat tayong lahat upang hindi ito kumalat o magkapagtala ng mas maraming biktima.
Kaya ang aming panawagan, sumunod sa mga tagubilin ng DOH para makaiwas sa nasabing virus kagaya ng paglilinis ng paligid, pagtukoy sa mga breeding ground ng lamok at alisin ang mga ito upang maiwasan ang nasabing mga sakit lalo na ‘yung mga nagmumula sa lamok.
Napakahalaga kasing maging maingat tayo upang hindi makontamina ng virus na bagama’t hindi naman kasing lala ng sintomas ng dengue ay mas mabuti nang nakatitiyak na ligtas tayo, lalo na’t lumolobo ang bilang ng mga naapektuhan ng nasabing virus sa ilang bansa, kagaya ng Singapore.
Ang Zika virus ay unang naitala sa bansa noong 2012 na sinasabing unang natuklasan sa mga matsing sa Uganda noong 1947.
Hindi pa nakakatuklas ng partikular na gamot o bakuna laban sa Zika virus na tulad ng sa kaso ng ilang tropical illness na pana-panahong lumalaganap kaya mas mainam na siguruhing ligtas tayo sa anumang mikrobyo o virus na hatid nito.