Bahagyang naantala ang kick-off rally ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) dahil sa hindi inaasahang pagkawala ng kuryente sa bayan ng Catarman sa lalawigan ng Northern Samar.
Nag-brownout dakong alas-9:00 Lunes nang umaga sa loob ng University of Eastern Philippines auditorium kung saan ginanap ang nasabing proclamation rally na dinaluhan ni Davao City Mayor Sara Duterte at ng ilan sa mga senatoriable na sinusuportahan ng kanyang partido.
Bago ang nasabing insidente, binanggit ni Aangat Tayo Party-list Rep. Neil Abayon sa entablado ang mga posibleng solusyon sa kinakaharap ng Northern Samar Electric Cooperative (NORSAMELCO).
Posible umanong tuluyang maputulan ng kuryente ang buong Northern Samar dahil sa daang-milyong utang ng NORSAMELCO na aabot na sa higit na P600 milyon sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp., P36 milyon sa National Grid Corporation of the Philippines, at mahigit sa P2 milyon sa National Power Corporations.
Meron din hindi bababa sa P38 milyong utang NORSAMELCO sa Bureau of Internal Revenue (BIR).