Umpisa na ngayong Martes ang opisyal na pangangampanya ng mga kandidatong senador.
Sa San Fernando at Clark sa Pampanga aarangkada ang mga senatorial candidate ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na pinamumunuan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sasamahan ang HNP ng PDP-Laban ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pampanga.
Inaasahan din na magsasagawa ng event si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para sa San Fernando.
Ang Otso Diretso senatorial slate na grupo ng mga nasa oposisyon ay magsasagawa naman ng campaign kick-off event sa Caloocan City ngayong Martes at sa Naga City sa Miyerkoles, Pebrero 13.
Ang re-electionist at independent na si Senadora Grace Poe, ay dadalo naman sa isang school-feeding program ngayong Martes at magsasagawa ng kick-off rally sa Tondo, Maynila sa Miyerkoles.
Si Bayan Muna chairman Neri Colmenares, na tumatakbo sa ilalim ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan, ay nakatakdang magbuo ng agahan kasama ang mga senior citizen sa Old Balara, Quezon City.