Kampanya vs corruption mababalewala kung walang Whistleblower Protection Act

Naniniwala ang Catho­lic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commis­sion on the Laity na mawawalan ng saysay ang kampanya­ ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa katiwalian kapag hindi naisabatas ang Whistleblower Protection Act.

Kasabay nito, nanawagan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado na isabatas ang Whistleblower­ Protection Act.

Nabatid na nabahala si Pabillo sa naging hatol ng Sandiganbayan na guilty kay NBN-ZTE deal whistleblower Jun Lozada sa kasong graft and corruption sa kabila ng pagbubunyag nito sa katiwaliang ginawa ng mga opisyal ng pamahalaan.

Dismayado si Pabillo dahil sa kabila ng e­xposé ni Lozada sa multi-milyong­ pisong katiwalian na kina­sasangkutan ni da­ting ­Pangulong Arroyo ay siya­ pa ang nahatulang nagkasala sa batas.

Napapanahon ng bigyan ng malaking proteksiyon ang mga whistleblower upang mas marami pa ang lumantad at isapubliko ang mga katiwalian sa gobyerno.

“Walang protection ang nagbubulgar ng mga anomalies kaya dapat mabigyan ng protection kung gusto talagang kalabanin ang corruption. Dapat talagang may pananagutan kasi nakita na nga nating kinansel ‘yung transaction, ibig sabihin talaga may mali nga dun, pero walang pananagutan, walang may kasalanan,” ayon sa Obispo sa pana­yam ng Radio Veritas.

Sinabi ng Obispo na nawalang saysay ang exposé ni Lozada na pumi­gil sa multi-milyong ­pisong transaction.

Nagpahayag din ng pagdududa si Pabillo sa timing ng naging hatol kay Lozada na magdudulot ng masamang halimbawa at babala sa mga gustong isiwalat ang mga katiwalian sa pamahalaan.

Umaasa ang Obispo na magiging matatag si Lozada at hindi mawala ang suporta sa kanya ng mamamayan dahil sa kanyang nagawang kabutihan.