Inatasan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Silvestre H. Bello III ang lahat ng regional offices nito na maglunsad ng malawakang kampanya laban sa iligal na kontraktuwalisasyon at ‘endo’ upang tiyakin na mahigpit na naipapatupad ang karapatan ng manggagawa sa seguridad sa trabaho.

Ayon kay Bello, nais nitong patunayan na seryoso ang ahensya na bawasan ang ‘endo’ ng 50 porsiyento ngayong 2016 at tuluyan na itong matanggal sa 2017.

Inatasan din nito ang lahat ng regional director na doblehin ang kanilang pagsisikap sa pagsasagawa ng konsultasyon at dayalogo partikular na sa mga pangunahing sektor kung saan laganap ang kontraktuwalisasyon at ‘endo’.

Kabilang sa mga pangunahing sektor ang hotel and restaurant, manufacturing, health and wellness, malls, food chains, agricultural plantation at corporate farms.

Sinabi rin ni Bello na kasalukuyang binubuo ng DOLE ang pamphlet para sa mga karaniwang katanungan ukol sa kontraktuwalisasyon at ‘endo’ at ito ay ipamamahagi sa buong bansa. Ito rin ay ilalathala sa website sa lahat ng opisina at ahensiya ng DOLE.

“Ipinagbabawal ang labor-only contracting. Ito ay nangangahulugan na ang labor-only contracting, o iyong mga kasunduan kung saan ang contractor o subcontractor ay nagre-recruite, nagsu-supply o nagtatalaga lamang ng manggagawa upang magtrabaho o magbigay ng serbisyo sa isang principal, ay iligal,” ani Bello.