Nabawi ng Golden State Warriors ang kampeonato sa Cleveland Cavaliers ngayong 2017 NBA finals.
Tinalo ng Warriors ang Cavaliers sa score na 129-120 sa Game 5 ng best-of-seven finals series.
Umulan ng gintong confetti sa buong Oracle Arena at nagbunyi ang mga tagasuporta ng GSW sa kampeonatong sinemento ng bida ng 2017 NBA Finals na si Kevin Durant na bumuhos ng 39 solid points.
Si KD na bagong reinforcement sa GSW ang tinanghal na MVP ng 2017 NBA Finals.
Naging dikdikan ang laro at umabante pa ang Cavs sa unang yugto ng second quarter, 41-33.
Bumawi ang Warriors ng 28-to-4 run sa pangunguna ni KD at napako ang opensa ng Cavs at bumagsak ang kanilang shooting percentage sa 9 out o 11 shots sa field na dinagdagan pa ng dalawang magkasunod na sablay ni Kevin Love sa charity line.
Sa pagpasok ng final 24-minutes ng laro, hindi na pinagbigyan ng Warriors ang Cavs na makuha ang abante dahil sa sunod-sunod na pukol sa drive at tres ni KD.
Natapos ang series sa 4-to-1 sa dictating tempo na Game 5 killer mode ng Warriors para masungkit ang kampeonato, 129-120.
Dumagungdong ang Oracle Arena, umulan ng confetti at umalingawngaw ang hiyawan ng tao sa tugtog na “We Are The Champion” para sa power house Golden State Warriors.
Maging si coach Steve Kerr ay hindi napigilang mapayakap sa kanyang asawa sa sobrang tuwa.
Kaagad namang lumapit sa court sides ang “splash brothers” na sina Stephen Curry at Klay Thompson para kumaway at magpasalamat sa mga fans.
Ang NBA Finals 2017 MVP na si Kevin Durant (KD), niyakap ang kanyang ina pagkatapos ng laro.
Ito ang unang kampeonato ni KD sa loob ng isang dekadang pro sa NBA.
Pumangalawa sa scoring battle sa Game 5 ang dating MVP na si Stephen Curry na tumipa ng 34-points.
Ang 2015 Finals MVP na si Andre Igoudala na tumipa ng 20-point ang naging force factor sa crucial minutes dahil sa kanyang mga atake sa rim at pag-domina sa board.
Samantala, kumamada naman ng halimaw na 41-points, 13 rebounds at walong assists ang Cavs star player na si LeBron James, habang nag-ambag ng 26-points si Kyrie Irving at nagtapos sa 25 na puntos si JR Smith.
Inalat si Kevin Love na tumipa lamang ng 6 points at 10 rebounds.